Karamihan sa mga nadidisgrasya ng paputok ay mga bata. May napuputulan ng daliri, nasasabugan ng pulbura sa mukha na nagiging dahilan nang pagkabulag. Mayroon ding nakalulunok ng watusi. Noong bisperas ng Enero 2020, naitala ang 164 firecrackers injuries, gayunman, sinabi ng Department of Health (DOH), na iyon ang pinaka-mababang bilang na naitala sa loob nang maraming taon kaugnay sa pagseselebra ng Bagong Taon.
Sa kasalukuyan, mayroon nang mga nairereport na nasusugatan dahil sa paputok pero sabi ng mga awtoridad, maliit na porsiyento lamang ito kumpara sa mga nakalipas na taon. Karaniwan ding biktima ngayon ay mga bata na napuputukan sa daliri dahil sa piccolo.
Sa kabila na bawal na ang pagbebenta at paggamit ng paputok sa Metro Manila, mayroon pa ring lumalabag sa kautusan. Mayroon pa ring patagong nagbebenta. Nagbabala ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Brig. Gen. Vicente Danao Jr. na aarestuhin ang magbebenta at gagamit ng paputok. Ang babala ay kasunod ng pagdedeklara ng Metro Manila mayors na bawal ang paputok sa kanilang nasasakupan. Ang pagdami ng kaso ng mga nasusugatan sa paputok ang dahilan kaya ipinagbawal ito sa Metro Manila.
Noong nakaraang taon, inisyu ni President Duterte ang Executive Order No. 28 na nagbabawal sa mga malalakas na paputok gaya ng Judas Belt, Superlolo, Bawang, Goodbye Earth, Goodbye Philippines at Binladen.
Nakapagtataka na hindi kasama sa EO 28 ang piccolo na paboritong paputukin ng mga bata at kadalasang nagdudulot para maputulan ng daliri at mabulag ang mga ito.
Ngayon, marami na namang bata ang nagpapaputok ng piccolo at tiyak na mayroon na namang madidisgrasya. Dapat maging alerto ang mga magulang sa kanilang mga anak. Bantayan ang mga ito at baka bumili ng piccolo at madisgrasya. Magkaroon na ng leksiyon sa mga nakaraang pagdiriwang ng Bagong Taon na sa halip na maging masaya ay naging malungkot dahil ang anak ay naputulan ng daliri dahil sa piccolo.
Bantayan ang mga anak sa mapanganib na paputok. Huwag silang palabasin ng bahay. Ipagdiwang ang Bagong Taon na ligtas, mapayapa, masaya at buo ang mga daliri.