Ang pinakamalungkot umanong Pasko na naranasan sa Pilipinas ay noong Disyembre 25, 1941 kung saan walang patid na binomba ng mga pandigmang eroplanong Hapones ang Maynila na ikinawasak ng mga bahay, gusali, eskuwelahan, simbahan at iba pang istruktura. Pinulbos ang Nichols Field sa Pasay at ang nakapanlulumo, isang pampasaherong bus na biyaheng Los Baños, Laguna na maraming pasahero ang tinarget ng mga kalaban. Namatay lahat ang pasahero.
Walang naganap na tradisyong palitan ng regalo at hindi rin natuloy ang reunion ng mga magkakamag-anak dahil sa pananakop ng mga Hapones. Hindi rin narinig sa ere ang mga awiting Pasko, bagkus ang ingay ng mga lumilipad na eroplano ang maririnig habang nagbabagsak ng bomba. Nakasarado ang mga bahay at walang makikitang tao sa kalsada. Ang dapat sana na pagsasaya ng mga bata habang namamasko sa bahay-bahay ay napalitan ng kalungkutan. Hindi nila napuno ng mga barya ang kanilang mga bulsa at sa halip, takot at pangamba ang sumakmal sa kanila. Nawala rin ang nakaugaliang pagsisimba sa mismong araw ng Pasko.
Ngayon ay sakmal din ng takot ang mamamayan, hindi dahil sa pananakop ng mga kalaban kundi sa hindi nakikitang virus na siyam na buwang nagpapahirap at marami nang namatay. Marami ang nagsipagsarang kompanya na naging dahilan para marami ang mawalan ng trabaho. Marami ang walang makain at hindi alam kung saan kukunin ang mga susunod pang ilalaman sa sikmura.
Ganunman, sa kabila nang dinaranas, marami pa rin ang umaasa na malalampasan ang kakaibang laban sa hindi nakikitang kaaway. Marami pa ring umaasa at patuloy na nanalangin na matatapos ang pagsubok at babalik sa normal ang buhay. Maraming naniniwala na muling sisigla ang ekonomiya na magluluwal sa mga trabaho.
Maraming umaasa na gagawin ng pamahalaan ang lahat nang paraan para maka-secure ng bakuna sa lalong madaling panahon para maproteksiyunan ang mamamayan lalo na ang health workers na nagsisilbing frontliners.
Sa kabila ng pandemya, tuloy ang Pasko sa maraming Pilipino.