Sa ilalim ng Art. 344 ng Revised Penal Code, ang kasong rape ay puwede lang isampa ng biktima, ng kanyang magulang, lolo’t lola o kaya ay guardian. Maaring ibasura ng korte ang kaso kung hindi sila ang magsasampa. Pero kung namatay ang biktima at bandang huli ay itinanggi ng nagsampa ng kaso na siya ang guardian, mawawala pa rin kaya sa korte ang kapangyarihan na litisin ang kaso? Ito ang isyung sasagutin sa kaso nina Poldo at Gardo.
Ang kasong ito ay nag-umpisa nang makita ni Nestor na isang tindera ng kape ang isang batang babae na nalulunod sa ilog noong nagpunta siya sa tabing ilog para umihi. Agad niyang sinaklolohan ang babae at dinala sa pampang para bigyan nang paunang lunas habang padating ang isang mobile patrol nang malaman ang insidente.
Sa istasyon, nakilala ng pulis na ang bata ay si Marta at sinabi nito kung bakit siya lumundag sa ilog. Isinumbong niya ang ginawang panggagahasa sa kanya ng dalawang lalaki at itinuro niya si Gardo pero tahimik lang ito at hindi nagsalita. Sinundo ng ambulansiya si Marta at dinala sa ospital pero sa kasamaang-palad ay namatay siya kinabukasan dahil sa respiratory failure. Sa pagsusuri sa kanyang ari, positibong nakakuha ng sperm cells. Lumalabas na suicide ang sanhi ng kanyang ikinamatay. Ilang araw din sa morge ang kanyang bangkay pero walang kaanak na kumuha.
Samantala, inimbestigahan ng pulisya si Poldo na umamin sa ginawang panghahalay sa bata. Idinamay naman nito si Gardo at isinumbong na pilit pa raw lumaban ang bata habang ginagahasa ng kanyang kasama. Nang arestuhin at imbestigahan ay inamin din ni Gardo ang ginawang krimen. Gumawa pa siya ng salaysay tungkol sa panghahalay na kanyang pinirmahan. Samantala, may dumating sa istasyon na isang matandang babae na nagngangalang Leona at naghahanap sa pamangkin nitong si Lita. Dinala siya at ang kapatid niyang lalaki sa morge kung saan ipinakita sa kanila ang bangkay ni Marta. Kinumpirma nila na ito ang nawawalang pamangkin na si Lita. Pagkatapos sabihin na siya ang guardian ay dinala si Leona sa Prosecutor’s Office/piskalya para magsampa ng kaukulang reklamo laban kina Poldo at Gardo. Pero sa reklamo ay “Marta” ang inilagay na pangalan ng biktima.
Pagkatapos maghain nang ebidensiya ang prosekusyon ay heto si Leona at sinasabing nagkamali lang siya sa pagsasabing ang bangkay ay ang kanyang pamangkin na si Lita. Lumalabas daw kasi na buhay pa si Lita.
Kaya nang maglabas ng hatol ang korte na “guilty” sa krimeng rape sina Poldo at Gardo, agad na umapela si Gardo dahil hindi raw sila saklaw ng kapangyarihan ng korte sapagkat ang reklamo ay hindi raw pinirmahan ng biktima. Hindi raw naisampa ang kaso alinsunod sa Art. 344 ng Revised Penal Code. Tama ba si Gardo?
Mali ayon sa Supreme Court. Nasunod daw ang batas. Nang isampa kasi ni Leona ang kaso ay nasuri na niya ang bangkay at buo ang kanyang paniniwala na ito ang pamangkin niyang si Lita. Hindi rin kapani-paniwala na nagkamali lang siya dahil sa pabagu-bago niyang sinasabi at sa bantulot niyang pagkilos. Isa pa, sabihin man na nagkamali lang siya dahil sa pagkakamukha ng bangkay at ng pamangkin niyang si Lita, malabo naman na magkamali siya pati sa pangalan dahil Lita ang ngalan ng kanyang pamangkin samantalang Marta naman ang nakasulat na ngalan ng biktima. Dapat daw ay hindi isinampa ni Leona ang reklamo kung talagang hindi siya sigurado sa katauhan ng bangkay. Kaya’t sapat pa rin ang reklamo para bigyan ng kapangyarihan (jurisdiction) ang korte na hawakan ang kaso (People vs. Punelas and Enorio, G.R. L-10853, May 19, 1959).