EDITORYAL - Bawal ang paputok sa Metro Manila

Inaprubahan ng Metro Manila mayors ang pagbabawal sa paputok. Ito ay upang mabawasan ang mga nasusugatan dahil sa paputok at upang maging daan din na huwag magkumpol-kumpol ang mga tao sa pagsapit ng Pasko at Bagong Taon upang makaiwas sa virus.

Una nang nagpalabas ng resolusyon ang Regional Peace and Order Council (RPOC) ng National Capital Region (NCR) noong nakaraang linggo na nagrerekomenda sa pagbabawal ng paputok ngayong holiday season. Ang RPOC ay binubuo ng 17 Metro Manila mayors at mga opisyal ng ahensiya ng pamahalaan.

Ayon sa resolusyon, dumarami ang kaso ng mga nasusugatan dahil sa paputok kaya ipinasya na ipagbawal na ito sa Metro Manila. Sinabi naman ni President Duterte noong Lunes na ipagbabawal na sa buong bansa sa Disyembre 2021 ang mga paputok. Naunawaan naman daw niya ang manufacturers ng paputok na marami ang mawawalan ng trabaho subalit tungkulin ang gobyerno na pangalagaan ang publiko.

Tama ang hakbang ng Metro mayors sapagkat maraming nadidisgrasya sa paputok at karamihan sa mga ito ay mga bata. May napuputulan ng kamay, daliri at nabubulag. Bukod pa sa ito ang pinagmumulan ng sunog at dahilan din para magkasakit ang mga tao dahil sa nalalanghap na usok. Nagdudulot din ng air pollution ang paggamit ng paputok. Damay din sa perwisyong dulot ng paputok ang mga alagang hayop.

Noong Disyembre 2017, inisyu ni President Duterte ang Executive Order No. 28 na nagbabawal sa mga malalakas na paputok gaya ng Judas Belt, Superlolo, bawang, Goodbye Earth, Goodbye Philippines at Binladen.

Nakapagtataka lang na hindi kasama sa EO 28 ang piccolo na paboritong paputukin ng mga bata at kadalasang nagdudulot para maputulan ng daliri at mabulag ang mga ito. Masyadong maluwag ang mga may-ari ng tindahan sa pagbebenta ng piccolo.

Ngayon ay marami na namang bata ang nagpapaputok ng piccolo at tiyak na mayroon na namang mga bata na madidisgrasya. Magiging busy na naman ang mga doctor sa paggamot sa mga batang isusugod sa ospital dahil naputukan ang daliri o kaya’y nasabugan ng pulbura ang mga mata.

Dapat hulihin at sampahan ng kaso ang mga may-ari ng tindahang nagbebenta ng piccolo sa mga bata. Kung walang magbebenta, walang batang mangangahas bumili at tiyak na walang madidisgrasya. Maging alerto naman ang mga magulang sa kanilang mga anak at baka maputukan ito sa mukha o daliri. Siguruhing ligtas ang lahat ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon.

Show comments