Ano pa ba ang pag-uusapan natin ngayon? Matagal na rin akong nasa media at marami na ring nasaksing hindi magaganda, pero iba ito. At hindi ako nagtataka na sangkot ang pulis, lalo na sa ilalim ng administrasyong ito. Sigurado maraming nakanood na ng video ng walang habas na pagpatay sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio ni Jonel Nuezca – wala na akong pakialam sa ranggo niya – noong Linggo ng hapon. Sa tingin ko wala nang kinalaman kung ano ang pinag-awayan – may kasaysayan daw ng alitan ang magkapitbahay dahil sa right-of-way, naingayan dahil sa pagpapaputok ng “boga”. Ang isyu rito ay nasa karapatan ba itong halimaw na pulis na basta na lang patayin ang mag-ina na wala namang banta sa kanyang buhay at kontroladung-kontrolado na niya ang sitwasyon?
Kita sa video na nagmamakaawa na si Sonya sa pulis. Niyakap na ang tila nakainom na anak para huminahon. Ganito ang sitwasyon sa kahabaan ng video. Tila nagbago na lang ang sitwasyon nang dumating ang batang babaing anak ng pulis at sinigawan ang mag-ina ng “My father is a policeman!” habang kinukunan ng video ang pangyayari. Kung bakit pinababayaan ng pamilyang ito lumapit ang bata sa ganyang sitwasyon ay nagpapahiwatig ng kanilang uri ng pagpapalaki sa bata. Dito na parang tumingin ang pulis sa kumukuha ng video sa kanyang kaliwa at binaril ang mag-ina. Siniguradong patay pa si Frank Anthony nang barilin ulit kahit bumulagta na. Lahat ito sa harap ng kanyang anak na babae.
Ano ang iniisip nito? Na kaya niyang lusutan ang pamamaril dahil pulis siya sa ilalim ng administrasyong ito? Na may sapat siyang dahilan kaya lumabas nang armado at nauwi sa pagpatay sa mga kapitbahay? Ano ang banta sa kanyang buhay para kumilos nang ganyan? May nakita ba kayo sa video, kasi ako wala. Nagpakitang-gilas ba siya sa kanyang anak na babae dahil ipinagmalaki na pulis ang kanyang ama? At marami na palang mga nakaraang kaso ang pulis na ito, bakit nasa serbisyo pa? Dahil kayang-kaya niyang pumatay ng tao?
Agad naglabas ng paliwanag ang Palasyo na «isang bugok lang ‘yan». Paano pala kung makatapat ka ng isa pang bugok? Siguradong siya lang ba ang bugok sa PNP? Ano ang laban ng ordinaryong mamamayan sa armadong pulis na bugok? At huwag nilang sasabihing dumilim ang paningin kaya nangyari. O kaya «isolated case» ito. Ilang beses na nating narinig ang PNP na magpaliwanag na «isolated case» ang pagkakasangkot ng pulis sa katiwalian o krimen? Kung marami na, hindi na «isolated» iyan. Ibig sabihin ba ay kung mga adik ang katunggali ng mga pulis ay malinaw ang pag-iisip pero kapag ordinaryong mamamayan na hindi armado ay dumidilim?
Ilang taon kaya aabutin ang kasong ito bago masentensiyahan ang pumatay? Malinaw naman ang ebidensiya kaya dapat gawing halimbawa ito ng hukuman. Dapat makulong na panghabambuhay ang halimaw. Hindi na dapat makalabas sa piitan. Ilang beses na palang nasasampahan ng kaso pero nakakalusot dahil sa anu-anong teknikalidad kaya nakabalik pa sa serbisyo. Ganyan nga talaga sa Pilipinas.