Nagmamaneho si Katie Lentz, 19, sa Missouri freeway, isang hapon nung 2013 nang bundulin siya ng lasing na drayber ng trak. Mabilis na dumating ang mga bumbero mula sa dalawang bayan, ang sheriff at deputies, at mga nurse at piloto ng rescue chopper. Pero hindi nila mailabas si Katie mula sa wasak na kotse. Naipit ang binti niya sa mga pumilipit na bakal, at mahihinang hindi akma ang mga kagamitang pangsalba.
Nauubusan na ang rescuers ng plano nang humiling si luhaang Katie na magdasal muna lahat sila. Mula kung saan may lumitaw na lalaki at lumapit sa car wreck. Mukhang pari siya, batay sa kuwelyo. Binendisyunan niya ng langis sa noo si Katie. Marahan niya itong sinabihan na gagana na ang mga kagamitan. Tapos umalis ang lalaki. Napawi ang sakit ng binti, binulong ni Katie sa rescuers. Nabunot siya mula sa kotse at agad inilipad sa ospital sa lungsod.
“Milagro!” anang rescuers. Pero hindi nila matagpuan ang lalaki. Sa 70 mga retrato ng aksidente wala ni isang nakunan na imahe nito. Nabalita nang todo sa TV, radyo at diyaryo ang pangyayari. Sino ang misteryosong pari na nagsalba umano kay Katie?
Makalipas ang ilang araw lumitaw si Fr. Patrick Dowling, paring Katoliko, at nagsabi na siya ang lalaking ‘yon. Walang milagrong naganap, aniya. Pero hinangaan daw niya ang sigasig at galing ng rescuers, at pagiging kalmado ni Katie maski lubhang masakit ang nabaling binti. Taimtim daw itong nagdasal habang binebenditahan niya.
Hindi niya alam kung bakit wala siya sa mga retrato ng rescue. Pumarada lang daw siya sa likod ng isang malaking sasakyan para alamin kung may maitutulong siya. Nang napansin na nagdarasal ang rescuers, nagpaalam siyang lumapit para benditahan ang biktima. Tapos nag-rosaryo siya sa isang sulok. Paglipad ng chopper, umalis na siya.
Nakilala siya ni Katie sa TV news. Hiniling na bisitahin siya sa ospital. Nang dumating si Fr. Dowling, ika-20 kaarawan ni Katie.