Maraming kurakot na Immigration officials partikular ang nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Halos lahat umano ng nasa NAIA ay sangkot sa katiwalian. Maski si President Duterte ay alam ang katiwalian ng mga ito. Sabi niya minsan, kahit daw ka-brod niya sa fraternity ang maaakusahan ng corruption sa Immigration, hindi niya patatawarin, sisibakin agad niya.
Ang mga ganitong matitigas na pananalita at banta ang nararapat para mawakasan ang namamayaning corruption hindi lamang sa Immigration kundi sa lahat nang tanggapan ng pamahalaan. Nangako ang Presidente na bago siya bumaba sa Hunyo 2022 ay ganap nang malinis sa katiwalian ang pamahalaan.
Inuumpisahan na ng Ombudsman ang pagwasak sa mga korap na Immigration officials. May kabuuang 83 Immigration officials na sangkot sa pastillas scheme ang sinuspende na ng Ombudsman. Magandang hakbang ito pero mas masisiyahan ang taumbayan kung hindi lamang suspensiyon ang ipapataw sa mga corrupt Immigration officials kundi pagkasibak na sa puwesto.
Limpak na pera na ang naibulsa ng mga corrupt na Immigration officials dahil sa pastillas scheme. Namera nang husto mula nang dumagsa sa bansa ang mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore and Gaming Operators (POGOs). Bawat Chinese ay naglalagay ng P10,000 para walang aberya ang kanilang pagpasok sa bansa.
Sa dami ng mga Chinese na pumasok sa bansa mula pa noong 2017, nakapagbulsa na umano ang mga korap sa Immigration ng P40 bilyon. Tinaguriang ‘‘pastillas scheme’’ dahil ang perang ipinanglalagay sa mga corrupt Immigration officials ay nakabilot na parang ‘‘pastillas’’.
Minsan nang nagpakita ng inis o galit si President Duterte sa mga korap na Immigration na sangkot sa pastillas. Ipinatawag ng Presidente sa Malacañang ang 40 Immigration officials na sangkot sa pastillas. Bago iyon, nagpahanda muna ang Presidente nang maraming “pastillas” na may pera sa loob. Nang makaharap niya ang mga opisyal, pinagbibigyan niya ng “pastillas”. “Kainin n’yo ‘yan dahil yan ay may pera!’’
Marami pang sangkot na BI officials sa katiwalian. Dahil dito, mauubos ang mga nakatalaga sa NAIA dahil sa pagiging corrupt. Dapat lang.