Doggone sonnamagan. Ito ‘yung mga salitang kailan lang ay ginamit ni Sen. Ping Lacson pantukoy sa kontrobersiyal na sekretaryo ng Department of Health (DOH).
Hindi pa nga natatapos ang ilang kontrobersiyang kinasasangkutan ni DOH Sec. Francisco Duque III nitong nagdaang Hulyo, Agosto at Setyembre ay nasundan pa ng isyung ito hinggil sa COVID-19 vaccine.
Aba’y Secretary Duque, palala na nang palala ang mga katawagang binibitawan sa’yo?! Palpakis daw kasi ang iyong diskarte para makakuha ng bakuna kontra COVID-19 mula sa Pfizer?
Hulyo pa lamang kasi ay mayroon nang naging pag-uusap ang gobyerno ng Pilipinas sa pharmaceutical company na Pfizer sa Amerika.
Ito’y sa pamamagitan ni Philippine Ambassador to the United States (US) na si Jose Manuel “Babe” Romualdez at ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.
Mismong Pfizer pa nga raw ang nagpa-follow-up para sa makumpleto ang mga dokumentong kailangan para sa 10 million vaccine deal na dapat sana ay darating sa bansa sa darating na Enero 2021.
Ngunit dahil meron na namang tutulug-tulog sa pansitan, ang sana’y 10 million vaccines para sa mga Pilipino ay napurnada.
Gustong sabihin nina Sen. Ping, Sec. Teddy at Amba Babes, pinabayaan, pinalampas, sinayang ni Secretary Duque ang pagkakataon.
Hindi rin naman daw totoo ang sinasabing humihingi ng “money down” ang Pfizer. Mga dokumento lamang ang hinihingi ng kompanya mula sa DOH ay hindi pa ito naayos.
Secretary Duque, hindi kaya masyado ka nang busy sa paglilibot mo sa mall, sa palengke at sa kung saan-saan?
Hindi naman siguro puro social distancing lang ang prayoridad mo kaya napabayaan itong oportunidad na ito para sa sambayanang Pilipino.
May mas magandang pakinabang ang yantok na hawak mo Secretary Duque, panghataw sa mga tutulug-tulog at humihilik pang opisyal na nakatalaga para sa bakuna.
Mark my words, ako mismo ay magpapaturok ng COVID-19 vaccine mula sa Pfizer – kung darating pa ito sa Pinas.