Ayaw maniwala kay Nina (Unang bahagi)

Kaso ito ng isang 12-anyos na batang hinablot ang kamus­musan ng isang taong malapit pa man dito. Ang isyu ay ang kredibilidad ng testimonya ng bata laban sa pagtanggi ng akusado. Ang ibang isyu pa na sangkot ay ang ikinilos ng biktima pagkatapos siyang gahasain at ang hindi niya pagsusumbong agad. May epekto nga kaya ito sa kredibilidad ng bata?

Tawagin natin sa pangalang “Nina” ang bata, hindi niya tunay na pangalan, para maitago ang tunay niyang katauhan pati na rin ang mga taong sangkot pati lugar kung saan nangyari ang kaso.

Ipinanganak si Nina sa mga magulang na agad nag­kahiwalay. Ang nanay niyang si Berta ay nakikisama na sa akusadong si Cardo kapisan ang mga anak nito. “Papa Cardo” pa nga ang tawag ni Nina sa ama-amahan. Isang araw, noong dose anyos na si Nina ay nagtinda ng kakanin sa bayan ang nanay niyang si Berta. Naiwan si Nina at mga kapatid niya sa ina sa bahay kasama si Cardo.

Sinama ni Cardo si Nina sa loob ng kuwarto, biglang hinubaran ng salawal at kinubabawan. Walang awang pinagsamantalahan ng buhong ang bata at sunod na araw ay muling minolestiya. Ipinalaro ni Cardo ang ari kay Nina. Hindi agad nagsumbong si Nina sa ina dahil tinakot na papatayin ng ama-amahan.

Noong 13-anyos na si Nina ay muli siyang minolestiya­ ni Cardo nang pumasok sa kuwarto ang bata para magpatulong sa exam.  Pinahiga siya ni Cardo, itinaas ang palda, naghubad at basta na lang hinalay ang dalagita. Isang beses naman, habang nasa babuyan ay tinawag ni Cardo si Nina at hinawakan ang kaselanan nito pagkatapos maghubad sila pareho.

Isang araw, pag-uwi sa bahay ni Nina nang utusan sa labas, agad siyang sinigawan ni Cardo sabay sinuntok at hinampas ng gadgaran ng niyog. Kinaumagahan ay lumundag sa bintana si Nina at naglayas ng bahay. Pumunta siya sa kapitan ng barangay at nagsumbong kaya dinala siya sa presinto para gumawa ng salaysay sa harap ni PO Rina Paterno. Ikinuwento niya ang masaklap na sinapit sa kamay ng amain. Sinuri rin siya ni Dr. Mendoza at napatunayan na may mga sugat at pagkapunit sa ari ng dalagita bagaman mukhang matagal na. Isang psychologist din, si Dr. Valdez, ang sumuri kay Nina. Napag-alaman na may sakit sa pag-iisip (anxiety disorder) ang bata pati may sintomas din siya ng isang taong inabuso.

Kinasuhan si Cardo sa krimen ng qualified rape alinsunod sa batas (Art. 266-A in relation to Article 266-B of the Revised Penal Code and Section 5 [b] of RA 7610). Ginawang testigo ng prosekusyon sina Nina, Dr. Mendoza, PO Rina Paterno at Dr. Valdez.

Itinanggi naman ni Cardo ang paratang. Ang depensa ni Cardo ay binugbog daw niya kasi si Nina bago ang pagsasampa nito ng kaso. Nagnakaw daw ang dalagita ng isang wall clock, radio at pera mula sa kapitbahay, mabuti na lang at hindi na nagreklamo dahil nga menor de edad pa si Nina, pero pinayuhan siya na parusahan ang bata.

Pati si Berta na mismong nanay ni Nina ay kumampi sa lalaki at ang palusot ay suklam lang daw ang bata kay Cardo dahil madalas kagalitan o paluin kapag nagnanakaw ng gamit. Nilinaw din ni Berta na kahit kailan ay hindi naiwan mag-isa sa bahay si Nina dahil laging naroon ang biyenan niyang si Cita na nanay ni Cardo. Ang matanda raw ang nagbabantay sa mga apo kasama na si Nina. Sinang-ayunan ito ni Cita na tumestigo rin para sa anak.

Pero napatunayan ng RTC na ginawa ni Cardo ang dalawang beses na pagsasamantala sa dalagita. Pinagbasehan ng hukuman ang positibong pagtuturo ni Nina sa ama-amahan pati ang kredibilidad ng pagsasalaysay ni Nina na pinatotohanan ng mga ulat ng doktor kesa sa pagtanggi ni Cardo.

Pareho ang naging hatol ng Court of Appeals (CA). Kinuwestiyon ni Cardo ang naging hatol ng korte lalo ang kredibilidad ni Nina. Walang ama ang hahalayin daw ang biktima sa harap ng mga anak niya. May pagkakataon din daw si Nina na magsumbong sa ina pero hindi nito ginawa.  (Itutuloy)

Show comments