INAALAM ni Brig. Gen. Matthew Baccay, ang bagong hepe ng Eastern Police District (EPD) kung saan malimit mangyari ang mga krimen sa eastern Metro Manila para deployan ng mga pulis. Bago mag-Pasko, nais ni Baccay na isagawa ang police visibility sa mga lugar kung saan naitala ng mga pulis sa siyudad ng Marikina, Mandaluyong, Pasig at San Juan ang mataas na bilang ng krimen.
Malakas ang paniniwala ni Baccay na maging epektib ang estrahiya na ito dahil nagawa na niya ito sa Davao. Sa totoo lang, itong eastern Metro Manila ang pinakatahimik na lugar sa Metro subalit naging malaking hamon pa kay Baccay na lalong patahimikin ito.
Nang tanungin kung paano niya masisiguro na hindi aalis sa kani-kanilang puwesto ang mga pulis matapos magpa-check attendance, sinabi ni Baccay na may mga team siya o ‘di kaya’y siya na mismo ang mag-iikot para siguraduhing nananatili sa puwesto ang mga pulis. Kapag may nangyaring insidente o krimen at wala sa puwesto ang mga pulis, aba may nakalaang kaparusahan sa kanila si Baccay. Dipugaaaa!
Siyempre, kasama sa hahabulin ni Baccay ay ang nasa likod ng droga at mga terorista na iniutos ni Philippine National Police chief Gen. Debold Sinas. Pagdating sa droga, mahigpit ang tagubilin ni Baccay kay Col. Moises Villaceran, ang hepe ng Pasig police na i-neutralize ang tatlo pang remnants ng Boratong drug syndicates.
Magiging masigasig ang kapulisan ng EPD sa paghabol sa mga drug pushers dahil may sapat silang pondo para sa buy-bust money at iba pang gastusin ukol dito. Inutusan din ni Baccay si Col. Reggie Lacsamana, EPD intelligence chief na ikalat ang kanyang mga tauhan at assets para pigilin ang mga terorista na gawing pugad ang kanyang nasasakupan. Dipugaaaa!
Sa courtesy call ng miyembro at opisyales ng Metro-Rizal Press Organization sa pamumuno ni Rainier Allan Ronda, ng Philippine Star, inamin ng abogadong si Baccay na pulis probinsiyano siya. Ang unang assignment niya sa Metro Manila ay ang maging hepe ng Regional Investigation and Detective Management Division ng NCRPO noong kapanahunan ni retired Gen. Boysie Rosales kung saan ang mistah niya na si Lt. Col. Leo “Paco” Francisco, ang intelligence chief.
Sa ngayon si Francisco ay heneral na at nahirang na bagong hepe ng Manila Police District (MPD). Naging intel chief din si Baccay ng NPD at PRO3 at nitong huli ay hepe ng PNP legal service bago mag-EPD director. Sina Baccay at Francisco ay miembro ng PMA Class ‘92. Abangan!