EDITORYAL - Delikado sa virus ang mga bata
Mabuti naman at sinalungat ng mga mayor ang unang mungkahi na payagan nang makapasok sa mall dito sa Metro Manila ang mga bata. Maganda ang hangaring ito para hindi mahawa ng COVID ang mga bata.
Una nang sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na possible raw payagan na ang mga bata na makapunta o makapamasyal sa malls basta may kasama itong magulang o guar-dians. Ipatutupad umano ito sa National Capital Region (NCR) at mga lugar nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ). Kailangan daw lumikha ng ordinansa ang mga mayor sa NCR ukol dito. Nilinaw ng DILG na tanging mga bata na may kasamang magulang ang papayagang makapasok sa malls. Ayon kay Año para na rin sa Kapaskuhan ang pagpapahintulot na makalabas ang mga bata. Noong Oktubre, pinayagan nang makalabas ang edad 15 hanggang 65.
Pero hindi naman sang-ayon ang ilang police official at maski ang mga doctor sa planong palabasin ang mga minor. Sabi ni NCRPO chief Brig. Gen. Vicente Danao, bawal pa ring lumabas ang mga bata sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ. Ayon kay Danao, posibleng mahawahan ang mga bata kaya makikipag-usap sila sa manager ng malls na higpitan at huwag papasukin ang minor.
Ayon naman kay Dr. Tony Leachon, dating adviser ng pandemic task force, “superspreaders” ng COVID ang mga bata kapag pinayagang makalabas ngayong Kapaskuhan.
Hindi pa talaga dapat payagan ang mga bata na magtungo sa malls at iba pang lugar. Delikadong makasagap sila ng virus. Hindi dapat isapalaran ang kalusugan ng mga bata. Kaya nga walang face-to-face classes ay para makaiwas ang mga bata sa virus at ngayon ay papayagang makapunta sa malls. Tiis-tiis lang muna. Lilipas din ang Pasko.
Maganda ang hangarin na makapamasyal ang mg bata lalo ngayong holiday season pero dapat din namang isipin na baka ang paglabas na ito ang maging dahilan ng pagkakasakit.
Tama lang ang pasya ng mga mayor na huwag payagang isama sa malls o iba pang pasyalan ang mga bata. Mabuting desisyon para sa kapakanan ng mga bata.
- Latest