EDITORYAL - Face-to-face classes h’wag muna Sir/Mam!
Ilang education officials at pati mga guro ang nagmumungkahi na ibalik na ang face-to-face-classes sa mga lugar na walang transmission ng COVID-19 o ‘yung mababa ang kaso ng virus infection. Hihilingin umano nila ito at kung papayagan ng COVID-19 inter-agency task force, posibleng maibalik ang face-to-face classes. Pero daraan umano ito sa mabusising pag-aaral kung dapat na nga ba na bumalik na sa face-to-face classes.
Maraming dahilan kung bakit may mga opisyal ng edukasyon at guro na gusto nang maibalik ang face-to-face classes. Marami anilang problema na kinakaharap ang estudyante sa ipinatutupad na blended learning. Nahihirapan umano ang mga estudyante sa bagong mode ng pagtuturo.
Kabilang sa mga nararanasang problema ng mga estudyante ay ang kakulangan ng gadgets at ang mahinang koneksiyon ng internet o WiFi connection. Kabilang din sa problemang nakita ay ang pagiging masikip sa loob ng bahay. Makipot ang lugar para sa mga mag-aaral.
Nakita rin na hindi nagagabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak habang nasa blended learning. Maraming magulang din ang hindi preparado at walang nalalaman para turuan ang anak sa mga aralin nito. Karamihan sa mga magulang ay naghahanapbuhay para may makain ang pamilya. Nakita ring problema na may mga magulang na hindi alam ang gagawin para sa nag-aaral nilang mga anak. Hindi umano abot ng mga magulang kung ano ang tamang gagawin.
Ang planong i-resume ang face-to-face classes ay agad namang sinalungat ng Department of Interior and Local Government (DILG). Hindi pa pupuwede sa ngayon sapagkat mataas pa ang kaso ng COVID sa bansa. Kung papayagan ang face-to-face classes, maaaring lumobo ang kaso ng COVID. At sino ang magpapagamot sa mga batang magkakasakit kapag pinayagan ang face-to-face classes? Maraming bansa sa kasalukuyan na sumipa muli ang kaso ng COVID mula nang magluwag sa patakaran.
Sinabi noon ni President Duterte na kung siya ang masusunod, gusto niya ay kapag may bakuna na saka ipagpatuloy ang pasok sa school. Pero tutol ang DepEd. Kailangan daw ay tuluy-tuloy ang pag-aaral ng mga bata.
Huwag payagan ang face-to-face classes. Huwag isubo ang mga bata sa delikadong sitwasyon. Kapag may bakuna na saka ituloy ang face-to-face classes sapagkat nakakasigurong ligtas ang mga bata.
- Latest