Namamayagpag ang mga magsasaka sa Mindanao dahil sa pangangasiwa ng Mindanao Development Authority (MinDA) sa liderato ni dating Agriculture Sec. Emmanuel Piñol.
Malayong nalalamangan sa pag-aaruga ang mga magsasaka sa Norte, kasama ang vegetable growers sa Benguet, Nueva Vizcaya at Mt. Province.
Todo arangkada ang hakbangin ng MinDA upang palaguin at payabungin ang pagsasaka at pamamalakaya sa Mindanao upang bigyang lunas ang kapabayaan noon na nagluwal ng rebelyon. Ang pruweba?
Nakakarating na ang mga produkto nila, mula fresh produce hanggang semi-processed at processed sa NCR, Baguio City at ibang bansa.
Habang ang mga magsasaka ng gulay at iba pa sa Benguet, Mt. Province at Vizcaya, pati na rin sa iba pang magsasaka at mamamalakaya sa Norte ay lumalala ang daing na hindi naibebenta ang mga produkto sa merkado. Marami sa kanila, na mabuti na lang na masira sa mga taniman.
Saging na nga lang sa mga merkado sa Norte, galing pa sa Davao o kaya’y China?
Ano ang problema rito? Policy ba o implementasyon sa agrikultura?
O dahil ba nakagawian na lang ng mga “concerned” government officials na gumagawa na lang ng farm to market roads bilang suporta sa magsasaka at kaligtaan ang mga essential na kailanganin upang palaguin ang agrikultura?
Tokenism, sabi ng iba. O baka may ibang dahilan na kailangang ipahayag ng mga namamahala.
Sana naman hindi magpakasya ang agriculture sector at gobyerno rito sa Norte na tanging production na lamang ang huling yugto ng pagsasaka, kundi hangga’t sa merkado at processing. Sana nga pati exportation.
Dahil kung pagtatanim lang at pagbebenta ng fresh lang ang abot ng ating agrikultura, aba e, pag inabutan ka nga naman ng bagyo, pagsasara ng merkado o di kaya pandemya gaya ng COVID-19 na ‘di aabot sa merkado ang produkto, sadyang mabubulok na lang ang mga ito at masasayang ang pagod at pawis ng mga abang magsasaka.
Panunoorin na lamang ba natin na mabulok ang bunga ng mga sakripisyo at pawis ng ating mga magsasaka?
* * *
Para sa inyong mga suhestiyon: art.dumlao@gmail.com