Ano ba iyan! Kauupo lang halos bilang Speaker ng Kamara si Cong. Lord Allan Velasco may mga sumisingaw na namang alimuom: may grupo raw na gusto siyang alisin sa puwesto. Wala raw direksyon si Velasco bilang lider ng kamara. Pinulong ni Velasco ang ilan sa mga kongresista para sa isang loyalty check nang mabalitaan ito.
Noong birthday ni Velasco, nagkasagutan sina Rep. Sharon Garin at Congressman Pulong Duterte. Kinuwestyon ni Garin ang pagiging chairman ni Pulong sa committee on accounts kahit hindi nito binoto si Velasco bilang speaker. Nag-viber message si Pulong na kumalat sa media. Aniya, dumidistansya na siya sa ruling majority ng kamara dahil ipinahiya siya ni Garin.
Binabatikos din ng ilang kongresista ang kawalan ng word of honor ni Velasco dahil inalis sa puwesto ang mga deputy speakers at committee chairman na sa tingin niya ay hindi niya kaalyado. ‘Di nga ba noong bago umupong speaker ay inakusahan ni Velasco si Cong. Alan Peter Cayetano na “walang palabra de honor” sa term sharing isyu? Ang lahat ng akusasyon ni Velasco ay bumalandra sa kanya. Pumayag siya noon na hindi magpapalit ng mga committee chairmen ‘pag siya na ang umupo bilang lider ng kamara. Hindi niya ito sinunod.
Maraming nangyayari sa Kamara ngayon na wala sa hulog. Kasama riyan ang pagdepensa ni Velasco sa Makabayan bloc sa isyu ng red tagging, at ang umaalingasaw ngayon na kontrobersiya tungkol sa budget insertions ng mga kongresista sa 2021 national budget na ayon kay Senador Ping Lacson ay hindi bababa sa P620-M bawat isa.
Sa nangyayaring gusot ngayon, malamang magising na lang siya na wala na siya sa puwesto. Hindi man lang siya makapagpaliwanag tungkol sa akusasyon ni Sen. Ping Lacson sa usapin ng paglobo ng infrastructure budget ng mga kongresista. Abangan ang susunod na kabanata.