TAMA si Sen. Manny Pacquiao. Kung malalim ang mga ilog at estero, walang mangyayaring pagbaha. Walang magiging problema gaya nang nangyari sa Marikina, Rodriguez sa Rizal, Cagayan at Isabela. Mungkahi ni Pacquiao, chairman ng Committee on Public Works na kailangang palalimin ang mga ilog, lawa, estero at iba pang daanan ng tubig upang hindi magbaha. Sampung metro ang nararapat na lalim para hindi umapaw ang ilog. Sabi ng senador, kapag malalim ang mga ilog at estero, hindi aapaw kahit malakas ang ulan. Hindi magbabaha kaya walang aagos sa mga kabahayan gaya nang nangyari sa Marikina at ang nangyaring baha sa Cagayan noong nakaraang linggo dahil sa pananalasa ng Bagyong Ulysses. Grabe rin ang baha sa Bicol Region na magkasunod na pininsala ng mga Bagyong Rolly at Quinta.
Ayon pa kay Pacquiao, dapat maglunsad ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Interior and Local Government (DILG) nang malawakang paghuhukay sa mga ilog, estero at lawa. Kabilang sa mga dapat isailalim sa dredging program ang Marikina River, Pasig River, Cagayan River, Chico River at Laguna Lake. Iminungkahi rin ng senador na gumawa ang gobyerno ng rain catchment at water impounding facilities.
“Dapat diyan natin ibuhos ang ating flood control program at hindi kung saan-saan na mga proyekto na paulit-ulit lang. What we need is a long-term and sustained flood control program,” sabi ng senador.
Napakaganda ng mungkahi ng senador at dapat itong magkaroon ng katuparan. Kapag napalalim ang mga ilog, estero at iba pang dinaraanan ng tubig, hindi na magbabaha. Sa Maynila, hindi na nalutas ang baha sapagkat ang mga estero ay punumpuno ng basura. Hukayin na ang mga ito para mawakasan na ang problemang baha.
Ipursigi ni Senator Pacquiao ang pagpapalalim sa mga ilog. Kaisa niya kami sa adbokasiya. Bukod sa pagpapalalim, linisin na rin ang mga ilog at estero sa tambak ng basura. Isa ito sa dahilan ng pagbaha. Kapag napalalim ang mga ilog, hindi magbabaha at wala nang aakyat sa bubong ng kanilang mga bahay.