SABI nila, kapag may hidwaan ang mga nangungunang leader ng bansa at lumalahok ang kani-kanilang mga supporters, nagkakaroon ng pagkakahati ang taumbayan na maaaring pagsimulan ng civil war. Ngunit kapag ang Presidente at ang kanyang Bise ay nagkakaroon ng iringan at may mga naririnig tayong mga matatalim na salita sa sino man sa kanila, hindi ito civil war kundi isang “uncivil war” o away na walang modo.
Sa kasong ito, batid na natin kung sino ang nagbato ng mga matatalas at maanghang na pananalita. Anang Pangulo “huwag kang (Leni) makipagkompitensya sa akin. Hindi mo pa panahon.” Sa panig naman ni VP, dapat sana ay pinigilan niya ang mga netizens na kampi sa kanya sa pagkuwestyon kung nasaan ang Pangulo. Pero, no disclaimer whatsoever.
Nag-ugat ang away nang magtungo si Bise Presidente Leni Robredo upang dumalaw at mamahagi ng ayuda sa mga sinalanta ng bagyo sa Catanduanes. Ang siste, nag-viral sa social media ang ginawa ni VP Leni at nilagyan pa ng “#NasaanangPangulo” ng mga netizens, bagay na ikinagalit ng Presidente.
Anang Pangulo, pinalilitaw ni VP na habang ito’y abala sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad, hindi mahagilap ang Presidente. Ngunit wala namang sinabing ganoon si Vice at ang ano mang salitang may patutsada laban sa Pangulo ay nagmula sa mga netizens na supporters ni Leni na nagbigay ng komento.
Nagpatutsada rin si Chief Presidential Legal Counsel Sal Panelo na si VP ay isang free loader. Umangkas sa C1-30 na naghatid ng relief goods sa lalawigan mula sa DSWD. Ito ay upang palabasin umano na kay VP nagmula ang tulong. Kinumpirma ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, pero ilang oras ang lumipas ay nag-sorry sila kapwa sa VP dahil ito pala ay fake news. Si VP pala ay nagtungo sa lalawigan lulan ng isang helicopter.
Malaking bukol ang pag-amin ng dalawang cabinet members sa fake news na sinakyan nila. Tama na sana ang politics na inihahalo pati sa gawaing dapat namang gampanan ng mga taong inihalal ng bayan.
At sa mga political supporters na lubhang maalab ang pagsuporta sa sino mang kinakampihan nila, itigil na ang mga mapanakit na komento dahil lalu lang ninyong ginagatungan ang political division sa bansa.