Illegal na pagmimina at pagtotroso ang itinuturong dahilan nang malawakang pagbaha sa Cagayan noong Huwebes habang nananalasa ang Bagyong Ulysses. Bukod sa pagbaha, nagkaroon din nang pagguho ng lupa sa nasabing probinsiya. Nang magtungo si President Duterte sa Cagayan noong Linggo para alamin ang sitwasyon ng baha, inatasan niya si Environment Sec. Roy Cimatu na imbestigahan ang illegal mining activities sa Cagayan. Nakarating sa kaalaman ng Presidente na maraming illegal mining activities doon. Binubutas ang mga bundok. Sa mga butas pumapasok ang tubig kapag umulan dahilan para humina ang lupa at nagkakaroon ng landslide at pagbaha.
Sinisisi ng local government units (LGUs) ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam kaya nagkaroon ng baha. Pero sabi ng pamunuan ng dam, Nobyembre 9 pa lamang ay nag-abiso na silang magpapakawala ng tubig dahil may paparating na bagyo. Hindi umano sila ang dapat sisihin sa baha.
Malaki ang posibilidad na ang illegal mining at illegal logging ang dahilan kaya bumaha sa Cagayan. Galing sa miniminang bundok ang tubig na isinuka sa Cagayan River. Kulay kapeng may gatas ang baha na halatang nanggaling sa butas-butas na bundok.
Grabeng pagbaha rin ang naranasan sa Marikina City, Rodriquez, San Mateo at Taytay, Rizal noong Huwebes. Dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig, lumubog ang mga bahay at kahit ang third floor ay inabot. Umapaw ang Marikina River. Ang Provident Village na lumubog noong 2009 dahil sa Bagyong Ondoy ay lumubog na naman. Nag-akyatan na naman sa bubong ang mga tao para makaligtas.
Quarrying ang sinasabing dahilan ng baha sa Marikina at mga bayan sa Rizal. Grabe ang pagku-quarry sa Rodriquez (dating Montalban). Ilang kompanya ang binigyan ng permit ng local government para mag-quarry. Karamihan ay mga kompanyang pag-aari ng pulitiko ang nagku-quarry.
Ngayong inatasan na ni President Duterte si Cimatu na imbestigahan ang illegal mining at illegal logging sa Cagayan at Isabela, dapat ding imbestigahan ang quarrying na ginagawa sa Rodriguez, Rizal. Suspendihin ang quarrying operations gaya ng ginawa sa Guinobatan, Albay. Iniutos ni President Duterte ang pag-iimbestiga sa quarrying doon makaraang magsumbong ang mga mamamayan.
Kumilos sana si Cimatu ukol sa illegal mining, logging at quarrying na sanhi ng pagbaha. Ipakita ni Cimatu ang kanyang tapang laban sa mga sumisira sa kapaligiran.