China nambibiktima pati sa South America, Africa

Dinagsa ng 260 Chinese fishing trawlers ang gilid-dagat ng Ecuador sa South America kamakailan. Naalarma, pinatrolya ng Ecuador Navy ang Galapagos Exclusive Eco­nomic Zone nila. Isa ang Galapagos Islands sa pinaka-ma­yaman sa laman-dagat, hayop, at halaman sa mundo. Doon nagsaliksik si Charles Darwin ng Pacific Ocean nu’ng siglo-1800. Kapag nalaspag ang Galapagos, panda­igdig ang wasak sa kalikasan. Tumulong ang mga kapit-bansang Costa Rica, Panama, Colombia, at Peru na pro­testahin ang Beijing sa pagnanakaw ng isda.

Palusot ng mga Chinese nasa international waters sila sa labas ng 200-milyang EEZ ng Ecuador. Pero naglalayag sila ng mahahabang fishing lines para painan ang mga pating mula Galapagos. Nawala ang isang balye­nang may satellite tracker, kaya nag-aalala ang Ecuador na nabitag ito ng poachers. Hindi nila tiyak kung ano na ang laman ng 260 barko. Pero nu’ng 2017, nang mahuli ang isang Chinese trawler sa loob ng Galapagos, tumambad ang nilambat na 300 toneladang isda -- o 10,000 banyera -- karamihan endangered hammerhead shark. Isa sa bawat tatlong shark fin na binebenta sa Hong Kong ay specie na nakaw sa Galapagos, anang NGOs na World Wildlife Fund at Seafood Source.

Palusot ng Beijing wala itong kontrol sa pribadong traw­lers. Pero hindi sila makakalayo nang gan’un mula China nang walang pondo at tulong teknikal mula gobyerno. Sa China ang pinaka-malaking distant-waters fishing fleet sa mundo, daig ang US, Japan, Taiwan at Korea.

Binibiktima rin ngayon ng Chinese poachers ang Senegal, Liberia, at Ghana ng ilegal na estilo, walang-habas, hindi inuulat na pangingisda. Tumakas sa multa mula Sierra Leone ang tatlong nahuling trawlers. Pati sa West Africa, Atlantic Ocean, nambu-bully din ang China. Lumalaban ang mamamayan doon sa pag-ubos ng yamang dagat at pagkain nila.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments