Noon pa ito sumagi sa aking isipan. Ang pagpasa-pasa ng mikropono sa mga party gigs at iba pang okasyon ay potensyal na makakapaglipat ng sakit sa mabilis na paraan.
Mahilig din akong mag-karaoke pero mas gusto ko nang gawin ito nang mag-isa at hindi sa mga pagtitipon na marami ang gumagamit sa iisang mike. Hindi lang siguro natin napapansin pero kung malalapit sa ilong mo ang mikropono, sa katagalang paggamit ay amoy na itong panis na laway.
Simula nang magkaroon ng pandemya, naisip kong dapat nang iwasan ang mga karaoke party na bukod sa nakakabulahaw sa mga kapitbahay ay puwedeng makapaghasik ng sakit tulad ng COVID-19.
Ayon mismo sa Department of Health dapat itong ipagbawal dahil nga sa natukoy na nating dahilan. Ang mikropono ay siguradong pamumugaran ng mga virus na galing sa mga gumagamit nito.
Halimbawa, kung may tuberculosis ang gumamit ng mikropono, ang laway niya na tumalsik at dumapo sa mike ay puwedeng mailipat sa susunod na gagamit. Ano pa kaya kung ang unang gumamit ay positibo sa COVID na ang virus ay madaling kumalat?
Kaya marahil, gawin na itong batas ng pamahalaan. Ibawal na ang karaoke sa mga maramihang pagtitipon. O kaya, kung hindi mapigilan ang tao sa pagkanta, magdala ng sariling mikropono para maiwasan makapanghawa o madapuan ng naturang sakit.