EDITORYAL - Huwag nang tantanan ang Abu Sayyaf!
Isa sa mga dapat gawin ng military para ganap nang mapuksa ang teroristang Abu Sayyaf ay ang walang patid na opensiba laban sa mga ito. Kung walang patlang ang pagsalakay sa mga kuta ng terorista, tiyak na mawawala na ang grupo na ang tanging hangarin ay mangidnap para kumita ng pera. Kung magsasagawa lagi nang matitinding pagsalakay sa lungga ng mga ito sa Sulu at Basilan, tiyak tapos na ang problema.
Noong Martes, isang malaking tagumpay sa military ang pagkakapatay sa pitong Abu Sayyaf sa karagatan ng Sulu. Napatay ng mga tropa ng Joint Task Force-Sulu ang mga terorista habang sakay ng speed boat. Umano’y may balak na namang kidnapin ang grupo. Ayon kay JTF-Sulu Commander Major Gen William Gonzales, gumamit sila ng attack helicopter at multi purpose attack craft ng Philippine Navy, para maharang ang pitong Abu Sayyaf. Kabilang sa mga napatay sina Madsmar Sawadjaan at Mannul Sawadjaan, senior leader ng grupo. Kapatid sila ng notorious bomber na si Mundi Sawadjaan.
Marami nang kinidnap at pinatay ang Abu Sayyaf. Karamihan ay mga dayuhan. Kapag hindi nakapagbigay ng ransom ang dayuhan, pinapatay nila. Marami na rin silang dinamay ng mga inosenteng sibilyan makaraang magtanim ng bomba sa simbahan at palengke.
Gaya nang ginawa nila sa pambobomba sa Jolo Cathedral noong Disyembre 2019 na maraming nagsisimba ang namatay. Nakihalo ang suicide bomber sa mga nagsisimba at naganap ang malagim na pagsabog.
Noong nakaraang Agosto, dalawang magkasunod na pambobomba ang naganap sa Bgy. Walled City sa Jolo na ikinamatay ng 17 katao, karamihan ay mga sundalo. Naganap ang pagsabog malapit sa isang restaurant at grocery store. Makalipas ang isang oras, naganap ang ikalawang pagsabog malapit sa sangay ng Development Bank of the Philippines, may 100 metro mula sa pinangyarihan ng unang insidente.
Tindihan pa ng military ang opensiba sa Abu Sayyaf sapagkat malapit nang malipol ang mga ito. Kakaunti na lamang umano ang miyembro dahil sunud-sunod ang pagkalagas. Kapag tuluyang nalagas ang Sayyaf, uunlad na ang turismo sa bansa. Wala nang katatakutan ang mga banyaga at maraming Pilipino ang makikinabang lalo ang mamamayan ng Mindanao.
- Latest