Ipatatawag na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang 10 mayors na wala sa kanilang lugar noong kasagsagan nang pananalasa ng Bagyong Rolly. Sabi ni DILG Sec. Eduardo Año, tukoy na nila ang 10 mayors at pagpapaliwanagin ang mga ito kung bakit wala sila sa kanilang lugar habang nananalasa ang bagyo. Ayon pa sa DILG, maraming dapat ipaliwanag ang mga mayor.
Ang Bagyong Rolly ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong 2020. May taglay na lakas ng hangin na umaabot sa 225 kilometer per hour. Ang Bicol Region ang grabeng sinalanta ng bagyo at umabot na sa 26 ang patay at marami pang hinahanap. Karamihan ay nalibing nang buhay dahil sa pagragasa ng putik at mga bato sa kanilang mga bahay. Pinakamatinding tinamaan ang Guinobatan, Albay.
Pinadalhan na umano ng DILG ng show cause orders ang mga mayor at dapat magpaliwanag ang mga ito sa loob ng limang araw. Ayon kay Año, habang paparating pa lamang ang Bagyong Rolly ay nagtaas na ng warnings ang DILG at naglabas na sila ng checklist na dapat gawin ng mga mayor sa pagsapit ng bagyo. Kabilang dito ang pag-convene ng local disaster risk reduction and management council sa kanilang nasasakupan. Ang mayor lamang ang makapagsasagawa ng ganito. Dapat nasa kani-kanilang posisyon ang mga mayor habang nasa kasagsagan ang bagyo at maging sa pagkatapos ng kalamidad. Dapat ang mga mayor ang mamumuno sa pagsasagawa ng mga kailangang paghahanda sa nasasakupan.
Sinabi naman ni DILG Usec Jonathan Malaya na mahaharap sa kasong administratibo ang 10 mayors na hindi magbibigay ng paliwanag kung bakit sila missing in action noong kasagsagan ng bagyo. Ano ang kanilang ginagawa habang ang kanyang bayan ay dinudurog ng bagyo. Mas mainam kung papangalanan ang 10 mayors para malaman ng kanilang mga nasasakupan. Hindi nararapat sa puwesto ang mga hinalal na ito sapagkat wala silang malasakit sa mga kababayan.