EDITORYAL - Marami pa ring matigas ang ulo

UMAKYAT na sa 16 ang namatay dahil sa pana­nalasa ng Bagyong Rolly noong Linggo. Karamihan sa mga namatay ay mula sa Albay at Catanduanes na pinakagrabeng sinalanta ni Rolly. Ang mga biktima ay nabagsakan ng puno, naguhuan ng lupa at ang iba ay nalunod. Si Rolly ang itinuturing na pinakamalakas na bagyo ngayong taon sa buong mundo dahil sa lakas ng hangin na umabot sa 225 kph. at may bugso na 280 kph.

Naulit na naman ang trahedya. Sinisikap ng mga awtoridad na zero casualty ang kanilang lugar sa pagtama ng bagyo pero hindi nangyari. Meron pa rin kasing naging pasaway o matigas ang ulo. May mga nagmatigas pa ring residente na hindi umalis ng kanilang mga bahay. Ayaw nilang iwan kahit may nangyayaring forced evacuations sa mga residente sa lugar na nasa tabing ilog, sapa at baybay dagat, mayroon pa ring matitigas ang ulo na ayaw lisanin ang kanilang mga bahay. Mayroon namang bumabalik at katwiran ay baka raw may magnakaw sa kanilang mga gamit at iba pang pag-aari. Isinusugal ang buhay dahil sa kanilang mga ari-arian. At dito may mga namamatay. May nalulunod at tinatamaan ng mga bumabagsak na puno o mga lumilipad na yero.

Sa radio report, may mga residente sa Mauban at Real, Quezon na nagmamatigas umalis sa kani-kanilang mga bahay. Kahit may puwersahan nang paglilikas. Karamihan sa mga pinalilikas ay mga resi­dente na nasa tabing dagat. Katwiran ng ilan ay matibay naman daw ang kanilang mga bahay. Kabilang ang Quezon sa sinalanta ng Bagyong Rolly. Dito rin sa probinsiyang ito nagdaan ang Bagyong Quinta noong nakaraang linggo.

Marami talagang residente na kung kailan nandiyan na ang bagyo ay saka lamang lumilikas. Kung kailan ramdam na ramdam na ang bangis ng bagyo at rumaragasa na ang baha ay saka lamang lilikas.

Nang manalasa ang Bagyong Quinta sa Calapan City, Oriental Mindoro noong nakaraang linggo, ma­rami ring residente sa baybay dagat ang naging pasaway at ayaw umalis sa kanilang mga bahay dahil mayroon daw silang mahahalagang gamit.

Marami nang namatay dahil sa katigasan ng ulo habang may kalamidad. Sila na mismo ang humukay ng kanilang libingan. Magkaroon na sana ng leksiyon sa mga nangyaring malalagim na trahedya kung may bagyo.

Show comments