Maraming tanggapan ng gobyerno ang sagad sa katiwalian. Alam ito ni Presidente Duterte. Binanggit niya ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Department of Public Works and Highways (DPWH). Inabsuwelto naman niya si DOH Sec. Francisco Duque at DPWH Sec. Mark Villar. Malaki ang tiwala niya sa mga ito.
Tiyak na kabilang sa mga iimbestigahan ng mega task force na pinabubuo ng Presidente kay Justice Sec. Menardo Guevarra ay ang Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Bureau of Internal Revenue, Philippine National Police at kasama rin dito ang mga kongresista at senador.
Gusto ng Presidente, pagbaba niya sa 2022 ay lutas na ang problema sa corruption. Bagama’t mahirap itong paniwalaan, mabuti na rin na mayroong gumagalaw para madurog ang mga corrupt. Bakasakali, mabawasan ang mga salot sa bayan. Mas mainam kung ang uunahin ni Secretary Guevarra na imbestigahan ay ang Bureau of Immigration sapagkat grabe ang katiwalian sa tanggapang ito. At alam ito ng Presidente. Noon, sinabi niya na kahit daw mga may ka-brod siya sa Immigration hindi niya patatawarin. Sisibakin daw niya. Ibig lamang sabihin, sagad ang corruption sa Immigration.
Patuloy ang pagsasagawa ng inquiry ng Senado ukol sa nabulgar na “pastillas” scheme sa Immigration. Umaabot na sa P40 bilyon ang naibubulsa ng mga kurakot na opisyal sa Immigration mula pa 2017. Sa ilalim ng ‘‘pastillas’’ scheme, lahat nang Chinese nationals na hindi nag-avail ng visa upon arrival (VUA) system ay magbabayad ng P10,000 sa immigration para makapasok nang walang aberya sa bansa.
Nadiskubre ang ‘‘pastillas’’ nang ibulgar ng whistle blower na kaya madaling nakakapasok sa bansa ang mga Chinese na magtatrabaho sa Philippine Offshore and Gaming Operators (POGOs) ay dahil sa mga corrupt sa kanilang tanggapan. Tinawag na “pastillas” ang modus dahil ang perang ipinangsusuhol sa kanila ay binibilot na hawig sa pastillas.
Labingsiyam na BI officials ang sinampahan ng kaso ng National Bureau of Investigation noong nakaraang buwan pero sabi ng whistleblower wala sa mga ito ang “malalaking isda” na sangkot sa “pastillas” scheme.
Kung ang Immigration ang unang masasampolan ng mega task force ni Secretary Guevarra, maaaring malipol na ang katiwalian sa nasabing tanggapan. Gawin ng DOJ ang lahat nang paraan para tuluyang mawakasan ang katiwalian sa Immigration.