DOJ Sec. may kakampi na sa House of Reps

May kakampi na si Justice Secretary Menardo Guevarra sa Mababang Kapulungan sa bagong mandato niya bilang anti-corruption czar. Ito’y walang iba kundi si ACT-CIS Partylist Representative Eric Go Yap, chairman ng Committee on Appropriations. Ang komite ni Yap ang bumubusisi sa panukalang budget ng mga ahensya ng pamahalaan na napakahalaga para tiyaking nagagastos sa tamang dahilan ng mga kinauukulang tanggapan.

Sa kanyang ipinalabas na statement, sinabi niya: “bilang Chairman ng Committee on Appropriations, gagampanan natin ang oversight functions ng Committee para silipin ang budget at kung paano ito ginamit lalo ngayong panahon na bawat piso ay mahalaga dahil sa pandemya.”

Nagpahayag na ng matinding galit si Presidente Duterte sa pagpapatuloy ng mga katiwalian sa pamahalaan kaya bumuo na siya ng super investigative body sa pamumuno ni Guevarra para imbestigahan ang lahat ng ahensya ng gobyerno.

Dagdag ni Rep. Yap, dapat unahin ang mga ahensyang nangungulekta ng buwis gaya ng Bureau of Customs. Binigyang diin ni Yap na dapat tulungan  si BOC Commissioner Guerrero na hanapin ang mga anay sa ahensya at ipagharap ng karampatang sakdal.

Babala pa ni Yap sa mga bugok sa Customs at iba pang ahensya, “Hindi kayo untouchable, if you are doing corrupt practices, now is the best time to stop. Your time will come, at sa darating na Bicameral Conference para sa 2021 National Budget, kung kailangang bawasan o tanggalan ng budget ang ahensya, gagawin natin dahil hindi sila nararapat makatanggap ng pondo mula sa kaban ng bayan.”

Tiniyak ni Yap ang buong suporta para kay  Secretary Guevarra at magsusumite ang komite niya ng reports sa DOJ upang makatulong sa panawagan ng Pangulo. Aniya “Magbabantay tayo hanggang sa masampahan sila ng kaso sa Ombudsman at may mapanagot sa mga katiwalian sa Bureau of Customs.”

Show comments