EDITORYAL - Paghandaan ang ‘super typhoon’

HINDI pa nakakabangon ang mga natumbang pananim na pininsala ni Quinta ay binabayo naman ngayon ng Bagyong Rolly. Kasalukuyang nananalasa sa Bicol Region si Rolly. Habang sinusulat ito, tinatahak ng bagyo ang Catanduanes at Camarines Sur na may lakas na 215 kilometers per hour.

Ayon sa PAGASA, Kung anong mga lugar ang tinatahak ng Bagyong Quinta ay iyon din ang tinatahak ng Bagyong Rolly. Maraming napinsala si Quinta sa Bicol Region, Quezon, Marinduque, Romblon, Oriental at Occidental Mindoro at Batangas. Nag-iwan ng P706 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ang bagyong Quinta. Ayon sa report, P2.1-B ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyong Quinta sa sektor ng agrikultura sa Oriental Mindoro. Siyam ang naiulat na namatay na pawang nabagsakan ng mga natumbang puno at ang ilan ay nalunod.

Hindi inaasahan ng mga taga-Oriental Mindoro na ganun kalakas ang hangin na taglay ng Bagyong Quinta. Mas malakas pa umano sa Bagyong Tisoy na nanalasa rin sa Mindoro provinces noong Dis-yembre 2019. Ayon sa mga residente ng Calapan at Naujan, Oriental Mindoro, hindi sila nabigyan nang tamang impormasyon sa lakas ng hangin na taglay ng bagyo. Halos anim na oras binayo ni Quinta ang Mindoro. Maraming inilikas lalo ang nasa mga baybaying dagat. Marami ang hindi nakapaghanda at kung kailan sumisipol na ang hangin saka lamang kumilos para lisanin ang kanilang mga bahay.

Halos ganyan din ang nangyari sa Quezon na maraming tao ang hindi nakapaghanda sa pagdating ni Quinta. Nang magsimulang humangin at lumakas ang ulan saka lamang kumilos. Ang iba ay hindi na nakapagdala ng mga damit at iba pang gamit dahil sa madaliang paglikas.

Marami ang nagkaroon ng leksiyon sa Bagyong Quinta. Dapat maging preparado. Malayo pa ang bagyo, dapat nang ihanda ang mga gamit at siguru-hing kumpleto ito kapag pinalikas ng mga awtoridad.

Ngayong narito na ang Bagyong Rolly na mas malakas kaysa kay Quinta, dapat maging handa ang mga residente. Mayroon nang leksiyon sa humagupit na Bagyong Quinta. Huwag hayaang mangyari na kung kailan nandiyan na ang bagyo saka lamang magkukumahog sa paghahanda para lumikas. Huwag balewalain ang paalala ng mga awtoridad. Kapag pinalilikas, sumunod para hindi mapahamak. Mahalaga ang buhay.

  

Show comments