Tiniyaga ko itong basahin hanggang sa matapos

Kinuwento ito ng kaibigan kong propesor ng panitikan:

“Kahapon pumunta ako sa supermarket nang todo ingat, sang-ayon sa bagong normal. Face mask, face shield, alkohol, safe distance. Nakuha ko na ang mga nilistang bibilhin, at nu’ng pumila ako para magbayad, habang binu­bunot ang pera at binubulsa ang cell phone, nalaglag sa sahig ang P1,000 kong pambayad, at ang lalaki sa unahan ko na patapos nang magbayad ng mga pinamili ay dahan-dahang pinulot ang pera ko.

“Wow, apaw ang kagitingan at kagandahang-loob sa panahon ng pandemic na ito, naisip ko. Iniabot ko ang kamay ko at hinintay na ibigay niya sa akin ang pera ko, habang naka­layo, para hindi siya mailang, at naghandang magpa­salamat sa kanyang tulong.

“Pero nabigla ako sa sinambit niya -- ‘Kung ano’ng nasa sahig ay pag-aari ng nakakita’ -- at gan’un na lang, umalis siya, walang pakialam.

“Iniwan ko ang mga pinamili ko dahil wala akong pambayad, at hinabol siya sa parking lot. Sinundan ako ng mga usisero sa pila. Ayaw ibalik ng lalaki ang P1,000 ko. Tinalikuran niya ako, at ibinaba ang tatlong grocery bags sa bangketa para buksan ang trunk ng kotse niya.

“’A gan’un pala ha, walang solian ng mga nasa sahig. Dinampot ko ang grocery bags at tumakbo sa kotse ko, sumakay, at humarurot paalis. Nasagi ko pa ang orange traffic cones. At habang pauwi kinalkal ko ang mga nasa grocery bags at kinuwenta sa isip kung magkano ang halaga ng naroon: sariwang hipon, salmon, hamon, keso, isang boteng white at dalawang red wine, tinapay, at marami pang iba. Lamang ako!”

Hindi totoo ang kuwentong ito ng propesor sa pani­tikan. Kinatha lang niya para hikayatin ang mga tao na magbasa. At binasa ko nga hanggang sa wakas ng nakaka-panabik na katha. Nakakabuhay ng isip ang pagbabasa, at nakakakiliti ng imahinasyon. Ninamnam ko ito.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments