Palapit na rin tayo sa bisperas ng eleksyon sa Amerika. Matapos lang ang Undas, sa Nobyembre 3 ay huhusgahan na ng mga ‘kano ang naging performance ni President Donald Trump.
Bago pa man tumama ang pandemya sa mundo, naging kontrobersiyal na ang administrasyon ni Pres. Trump. Sa pagkapanalo pa lamang niya, diskumpiyado na ang malaking bahagi ng botante dahil ang nagwagi talaga sa aktuwal na boto ay si Sec. Hillary Clinton. Subalit dahil sa sistema sa Amerika, kung saan binabatay sa laki at populasyon ng kanya-kanyang estado ang timbang ng boto, nagiging parang winner take all ang kalakaran sa bawat estado.
Isipin n’yo na lamang dito, kapag manalo ka sa malalaki at matataong lalawigan kagaya halimbawa ng Cebu, Cavite, Bulacan, Laguna, Negros Occidental, ang lahat ng botong nakatakda para sa lalawigan na iyon ay sa iyo mapupunta. Kaya kahit manalo pa ang kalaban mo sa mas maraming lugar, talo mo naman siya sa rami at timbang ng botong bitbit ng mga nasabing higanteng lalawigan.
Ganun ang pagkapanalo ni Pres. Trump noon, ika limang beses lang sa mahabang kasaysayan ng Amerika na ganoon ang kinalabasan ng eleksyon. Kung nakalusot ito dahil sa kahinaan ng sistema, hindi maikakaila na mapupulaan din ito sa pagpapahina sa kung ano ang kagandahan ng sistema. Hindi naging mapayapa ang turn over sa pagitan ng palabas na administrasyon; nababoy ang respeto sa independiyenteng serbisyo sibil at sa hudikatura; ang kooperasyong nakasanayan sa pagitan ng dalawang partido ay nauwi sa sumbatan – nasalaula ang respeto sa minorya na haligi ng isang sistema kung saan ang mayorya ang nananaig.
At ngayon na nga ay pag-uusapan na rin ang naging responde ng pamahalaan laban sa COVID-19, kung saan patuloy pa ring nakabinbin sa alanganin ang kapalaran ng Amerika. Kung inaasahan na dahil sa posisyon nito bilang pangunahin at pinakamayamang bansa sa mundo ay dapat sana’y nangunguna ito sa magandang performance, medyo ang kabaliktaran ang nangyayari at nakakadismaya ang kanilang sinapit.
Sa ganitong pamantayan magkakaalaman sa Nobyembre 3.