EDITORYAL - Dinggin, hinaingng mga guro
NAGBUKAS ang mga pampublikong eskuwelahan noong Lunes sa ilalim ng distance learning at ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, naging matagumpay ito sa kabila na banta ng COVID-19. Ayon pa rin sa kalihim, naharap at napagtagumpayan nila ang coronavirus.
Ipinagmalaki ng DepEd na mahigit 6,000 educational TV at radio shows ang kanilang inihanda para sa mga estudyante sa buong bansa bukod pa rito ang mga printed learning modules na ipinamahagi sa mga mag-aaral na hindi makaka-access sa internet dahil nasa malalayo at liblib na lugar.
Hinanap ng mga guro ang tirahan ng mga mag-aaral at ibinigay sa mga ito ang modules. Hindi raw dapat mangamba ang mga estudyante na nasa malayong lugar dahil regular silang hahatiran ng modules. Ayon sa DepEd, nasa 24.7 milyong estudyante ang nakaenrol ngayong pasukan.
Maaring napagtagumpayan nga ng DepEd ang pagsisimula ng klase sa pamamagitan ng bagong mode ng pagtuturo. Ito ang unang pagkakataon na ang mga estudyante ay sa kanilang mga gadgets nakatutok sa halip na pumapasok sa eskuwelahan at ka-face-to-face ang mga guro. Umaagapay sa mga bata ang kani-kanilang mga magulang.
Sa nangyayaring pananalasa ng COVID-19, mas kawawa ang mga guro na nagsisikap makarating sa bahay-bahay ng mga estudyanteng walang access sa internet para mahatiran ng modules. Delikado ang kanilang kalagayan na mahawahan ng sakit. Gaya ng 10 guro sa Ilagan City, Isabela na nagpositibo sa virus kamakailan. Umano’y nagkaroon ng virus ang mga guro habang namamahagi ng modules.
Masasabing matagumpay ang pagsisimula ng klase kung nabibigyan nang lubos na pagkalinga ang mga guro na ang karamihan ay dumadaing sa liit ng kanilang sahod. Pinakakawawa ang mga nagtuturo sa liblib. Ilan sa kanila, sariling pera ang ginagamit para may pamasahe. Sila rin muna ang bumibili ng ilang kailangan sa school gaya ng tsok, eraser at iba pa. Sa kabila nito, hindi ito nakikita ng mga namumuno. Hindi marinig ang kanilang hinaing. Kailangan pa bang idaan sa protesta para makita ang kanilang mga isinasamo?
Kalingain naman nang patas ang mga guro. Kung ang mga pulis at sundalo ay naitaas ang suweldo, bakit hindi ang mga guro. Sana naman, marinig na sila sa pagkakataong ito.
- Latest