HINDI lamang COVID-19 ang dapat iwasan ngayon kundi pati na rin ang leptospirosis na nakukuha sa baha na kontaminado ng ihi ng daga. Kung marami ang nag-iingat para hindi mahawahan ng COVID dapat ganito rin ang pag-iingat kapag lulusong sa bahang kalye. Kung nagsusuot ng face mask o face shield laban sa COVID, dapat magsuot naman ng bota kapag lulusong sa baha.
Panahon ngayon ng bagyo, Halos araw-araw ay umuulan at kasunod na ang baha. At sa baha nakukuha ang leptospirosis. Ang leptospirosis ay sakit na nakukuha sa baha na kontaminado ng ihi ng mga hayop, lalo na ang ihi ng daga. Delikado ang sakit na ito na maaaring ikamatay kapag hindi naagapan.
Maraming lugar sa Metro Manila ang binabaha. Noong Biyernes, bumaha sa maraming lugar sa Maynila, Quezon City at Pasay. Maraming na-stranded. Naging kapansin-pansin naman ang mga batang naglalaro at naglulublob sa baha. Wala silang pakialam kung ang pinagtatampisawan ay kontaminado ng ihi ng daga. Kapag may sugat sa paa o binti ang bata, doon papasok ang mikrobyong leptospira na nagdadala ng sakit na leptospirosis.
Ayon sa Department of Health (DOH), may 1,030 kaso ng leptospirosis na naitala mula Enero 1 hanggang Hunyo 9 ng taong kasalukuyan. Mas mataas ito ng 41% kaysa sa kaso noong nakaraang taon. Mayroon nang 93 namatay dahil sa lepto.
Ang mga sintomas ng leptospirosis ay lagnat, nahihirapang umihi, naninilaw ang balat at namumula ang mga mata. Lumalabas ang sintomas makaraan ang pitong araw.
Magtulung-tulong sa paglipol sa mga daga na naghahatid ng leptospirosis. Ang unang hakbang ay ang pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran at sa loob ng bahay. Kung malinis at nasa ayos ang pagtatapon ng basura, walang mabubuhay na daga. Magsuot ng proteksiyon sa paa kung lulusong sa baha.
Kung patuloy ang pag-iingat sa COVID, mas lalong dapat mag-ingat sa leptospirosis sapagkat delikado ang sakit na ito.