^

PSN Opinyon

Magtanim ng bakawan, huwag pekeng buhangin

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

Tamnan ng bakawan ang buong 190-kilometrong pampang ng Manila Bay. ‘Yan ang magpapasigla sa dagat -- hindi ang artipisyal na puting buhangin sa kalahating kilometro sa gilid ng Roxas Boulevard, Manila. Nawaldas ang P400 milyon ng gobyerno sa nakaka-cancer na fake sand.

Kung puro bakawan sa Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, at Cavite, beberde ang pampang. Lalago ang isda, shells, alimango, ibon, at halaman. Magkaka-pagkain, tanawin, at malinis na hangin at dagat.

Magagawa ‘yon; ginagawa na nga. Malapit lang sa pekeng white beach ay may tunay na gubat ng bakawan. Sa gitna ito ng Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Eco-Tourism Area. Labing-isang species ng bakawan ang yumayabong doon, kasama ang maraming bungang-kahoy at kawayan. Merong 80 species ng ibon. Protektado ang pambihira na Black-Winged Stilt, Chinese Egret, at Philippine Duck.

Low-maintenance lang ang nature park. Dalawang dekada nang namumuno si Sen. Cynthia Villar ng pagbi-binhi ng bakawan. Pinipitas ito sa mga matatandang puno at pinalalaki nang konti. Pero miski hindi makialam ang tao, ang pahaba’t patulis na buto ay kusang babagsak at tutusok sa buhanging dagat, kaya yayabong.

‘Di masusukat ang epekto. “Mas maraming bakawan, mas lumalaki ang populasyon ng isda sa paligid,” pabida ni Villar. Nasisiguro ang kabuhayan ng 300,000 mangi-ngisda sa pook. May kita pa sa turismo.

Likas na panangga ang bakawan sa pagguho ng lupa, daluyong, at baha. Nu’ng 2013 kinilala ang nature park sa Ramsar Convention na isa sa pinaka-mahalagang wetlands sa mundo. Tulad ng Tubbataha Reefs sa Sulu Sea at Underground River sa Palawan, earth heritage site ito.

Panimula lang ang pagbabakawan. Dapat ipatupad ng gobyerno ang batas sa sewage treatment. Walang basurang didiretso sa kanal, imburnal, ilog patungong dagat. Ipagbawal ang plastik na di naaagnas. Ilipat ng bahayan ang squatters sa gilid ng mga estero, para mapaagos.

SAPOL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with