EDITORYAL - Ipagkaloob ang 13th month pay
Dapat ipagkaloob sa manggagawa ang 13th month pay sapagkat ito ang nakasaad sa batas. Hindi dapat ipagpaliban ang pagbibigay nito at dapat matanggap ng mga manggagawa bago ang Disyembre 24. Maski ang Malacanang ay ganito rin ang posisyon sa 13th month pay. Sabi ni Presidential Spokeperson Harry Roque, “The law has not been amended – that is the law, that is a mandatory provision of the Labor Code...”
Unang sinabi ng Deparment of Labor and Employment (DOLE) na pinag-aaralan nila ang proposal ng mga may-ari ng kompanya na ipagpaliban o i-exempt ang mga kompanyang “distressed” dahil sa COVID-19 sa kanilang kita sa pagbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa.
Maraming labor group ang umangal sa pahayag ng DOLE. Ayon sa kanila, hindi dapat ipagpaliban ang pagbibigay ng 13th month pay sa mga manggagawa. Lalabagin ng mga kompanya ang batas.
Kamakalawa, may mga manggagawang nag-rally sa harap ng DOLE sa Intramuros at ipinanawagan ang pagbibigay ng 13th month pay. Hindi raw makatwiran kung magsasawalang kibo ang mga may-ari ng kompanya sa panawagang ipagkaloob ang 13th month. Hindi raw sila titigil hangga’t hindi pumapayag ang mga employer sa pinag-uutos ng batas ukol sa 13th month pay. Kakalampagin daw nila ang Labor department ukol dito.
Ngayong sinabi na ng Malacanang at pati ng DOLE na dapat ipagkaloob ang 13th month pay, dapat namang sumunod ang mga kompanya. Bagama’t matindi ang lugi, kailangang gumawa sila ng paraan para maipagkaloob sa kanilang manggagawa ang 13th month pay. Kung sa kabila nito ay hindi pa rin sumusunod ang mga kompanya, dapat ang DOLE na ang kumilos. Sila na ang humikayat sa mga kompanya na ibigay ang 13th month pay.
Sinabi naman ng DOLE na bukas ang kanilang opisina para sa mga reklamo ng manggagawa ukol sa 13th month pay. Pag hindi raw nagbayad ang kompanya, ang legal remedy ay pumunta sa Supreme Court ang mga manggagawa.
Mas maganda kung maipagkakaloob ng kompanya sa kanilang manggagawa ang 13th month pay. Dapat masunod kung ano ang nakasaad sa batas.
- Latest