Ang mga abogado na miyembro ng Bar ay kinakaila-ngan na kumilos ayon sa hinihingi ng panuntunan (Code of Professional Responsibility). Hindi nila dapat hawakan ang magkalaban sa kaso o ang tinatawag na may “conflict of interest” maliban na lang kung may pirmadong kasulatan na ibinigay ang kliyente patunay na pumapayag sila na parehong hawakan ang kanilang kaso pagkatapos na isiwalat ang lahat. Dapat din na magkaroon ang abogado ng mataas na moralidad sa kanilang propesyunal at personal na buhay.
Ano ba ang conflict of interest? Kailan din sinasabi na immoral ang ginawa ng abogado? Ano ang puwedeng reklamo para sa pagdidisiplina kay atorni dahil sa paglabag sa kautusan? Ito ang mga tanong na sasagutin sa kaso ni Atty. Pete Payo.
Kasalukuyang hinahawakan ni Atty. Payo ang mga kasong kriminal ni Romy tulad ng estafa at pananakot (grave threats/grave coercion). Habang kinakaharap ni Atty. Payo ang kaso ni Romy ay nakilala at nakasalamuha niya ang misis nitong si Marilyn.
Maganda at kaakit-akit ang babae kaya nagustuhan ni Payo at bandang huli ay lihim niyang nakarelasyon hanggang magbunga ng isang anak. Nang malaman ni Romy ang nangyari ay minaltrato nito ang misis dahil na rin sa natural nga nitong hilig sa karahasan. Kaya ang ginawa ni Marilyn ay nagsampa ng petisyon para makakuha ng TPO o temporary protection order laban kay Romy at si Payo ang abogado nito.
Ang ginawa naman ni Romy ay nagsampa ng reklamo para sa disbarment ni Payo sa Supreme Court base sa paglabag nito sa Code dahil (1) may conflict of interest, si Romy ay kliyente ni Payo pero siya rin ang tumayong abogado ng asawa nitong si Marilyn sa TPO, (2) immoral na ginawa ni Payo na magkaroon ng relasyon sa asawa ni Romy na si Marilyn at ang masaklap pa nito ay nagkaanak pa ang abogado sa kanyang misis, (3) pagpapabaya sa kaniyang tungkulin nang tigilan ni Payo ang paghawak sa kasong grave threats ni Romy pagkaraan ng pagsasampa ng petisyon sa TPO na naging dahilan kung bakit siya nahatulan.
Todo tanggi naman si Atty. Payo sa mga paratang. Una, napilitan lang daw siyang pumirma sa petisyon dahil naawa siya at kailangan ng mabilis na aksyon para maisalba ang buhay ni Marilyn at tatlong batang anak nito na puro pa babae. Limitado lang naman daw ang naging partisipasyon niya sa petisyon at nang mailabas naman na ang TPO ay agad na siyang bumitaw sa kaso bilang abogado ni Marilyn. Isa pa ay wala naman daw kakaibang impormasyon na ginamit dahil nasa mga rekord naman ng korte ang nakabinbing mga kaso ni Romy at hindi ito pahirap sa lalaki.
Pangalawa, walang katotohanan ang reklamo ng adultery laban sa kanya at katunayan nga ay ibinasura na ito ng piskal na humawak sa kaso.
Pangatlo, hindi niya inabandona si Romy sa kaso nitong grave threats dahil siya pa nga ang tinanggal sa serbisyo ng lalaki.
Matapos ang masusing pagsisiyasat ay gumawa ng ulat at rekomendasyon ang komisyon sa IBP Board of Governors (IBP Board) para tanggalan ng lisensiya si Atty. Pete Payo at alisin ang pangalan niya sa listahan ng mga abogado (Roll of Attorneys). Inaprubahan ito ng IBP Board.
Kinatigan din ng SC ang resolusyon ng IBP Board pagkatapos na mapag-aralan nito ang mga rekord ng kaso. Ayon daw sa Canon 15 ay dapat na maging patas, totoo at tapat sa lahat ng kanilang transaksyon sa kliyente ang mga abogado.
Hindi sila dapat humawak ng magkataliwas na interes o ang tinatawag na conflict of interest nang dalawang magkalabang partido. Sigurado kasi na masasaktan ang una niyang kliyente dahil magagamit niya rito ang anumang kaalaman niya na nakuha nang siya pa ang tumatayong abogado nito.
Ang prohibisyon na ito ay base sa polisiya ng madla at para masigurado ang tiwala/kumpiyansa ng mga kliyente sa kanilang pakikipag-usap sa sariling abogado. Si Payo ang abogado ni Romy sa mga kasong kriminal nito pero siya rin ang tumayong abogado ng misis nitong si Marilyn sa petisyon para makakuha ng TPO. (Itutuloy)