EDITORYAL - DOH, imbestigahan sa mga expired na gamot
May mga na-expired na namang mga gamot sa bodega ng Department of Health (DOH). Sana binigay na lamang ito sa mga Pinoy na maysakit na hindi makabili ng gamot. Marami pa namang maysakit at namamatay na hindi nakatikim ng gamot. Ayon sa report, tinatayang 371 Pinoys ang namamatay araw-araw dahil sa sakit sa puso at 88 naman sa diabetes. Karamihan sa mga ito ay mahihirap na walang kakayahang bumili ng gamot. Ngayong may pandemya, lalo nang kaawaawa ang kanilang kalagayan dahil sa kakapusan sa pera.
Ayon sa Commission on Audit (COA), ang halaga ng mga expired na gamot ay nagkakahalaga ng P2.2 bilyon.. Ayon pa sa COA, marami pa umanong malapit nang ma-expired. Bukod sa mga gamot, marami rin umanong dental supplies na binili ng DOH na na-expired na at mayroong malapit na ring ma-expired. Sobra-sobra umano ang stocks na nasa bodega.
Ang nakagugulantang pa, sa kabila na maraming nasayang na gamot ang DOH, humihingi pa sila ng P486 milyong pondo para sa Procurement and Supply Chain Management Service para sa 2021 budget. Bukod pa rito ang hinihinging P28.64 billion na proposed budget para sa DOH para sa 2021. Ngayong nananalasa ang coronavirus, naaprubahan agad ang hinihingi ng DOH na P19.09 billion na pandemic budget para ngayong taon.
Nagbabala si Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa Department of Health na huwag aksayahin ang pera ng taumbayan. Masyado aniyang nasayang ang taxpayers’ money dahil pinabayaan lang ma-expired ang mga gamot at dental supplies. Ayon pa sa senador, nararapat na unahing bakunahan ang DOH dahil sa ginawa ng mga itong pag-aaksaya sa mga gamot.
Hindi ito ang unang pagkakataon na natuklasan ng COA na maraming na-expired na gamot sa bodega ng DOH. Ilang taon na ang nakararaan, marami ring nasayang na gamot. Pero sa kabila nito, patuloy pa rin ang ginagawa ng DOH na pag-aaksaya. Nararapat maimbestigahan ang ginagawang ito ng DOH. Pera ng taumbayan ang nakasalalay dito.
- Latest