Kontra sa pambu-bully ng China dumadami
Nangangalap ang China ng suporta na mga bansa para sa pag-angkin niya ng buong South China Sea. Bukod sa isa, puro maliliit lang ang naaakit niya; karamihan ni walang dagat; puro baon sa utang sa Beijing; 4% lang ng yaman ng mundo ang pinagsamang ekonomiya nila.
Samantala, matindi ang suporta sa Pilipinas ng malalakas na bansa. Kontra sila sa pagnanakaw ng China sa yamang dagat natin, at pagtalaga ng missiles, fighters, bombers, at warships sa mga inagaw na bahura:
l Mula 2002 sa Declaration of Conduct sinabi ng ASEAN na ibatay sa mga batas ng mundo ang paglutas ng mga gusot ng China sa SCS.
l Habang naglilitis sa The Hague, sinabi ng Vietnam sa Tribunal na ilegal at walang batayan ang “9-dash line” boundary ng China.
l Anang European Union sumunod dapat lahat sa pasya ng korte.
l Iginiit ng Indonesia na labag ang “9-dash line” sa karagatan nila.
l Dalawang beses ginamit ng Malaysia ang pasya para sa kanyang aplikasyon sa UN ng extended continental shelf, kontra sa “9-dash line”.
l Nanawagan ang India na sunurin ng lahat, lalo na ang China, ang UN Convention on the Law of the Sea, walang imbentong kasaysayan.
l Nitong Hulyo binalaan ng Amerika ang China kontra sa pag-agaw ng dagat ng Vietnam, Malaysia, Brunei, Indonesia, at Pilipinas.
l Sumulat ang Australia sa UN General Assembly laban sa China.
Pinapatrulya ang West Philippine Sea ng navies at eroplano ng US, Britain, France, Japan, Australia, at Canada. Humihiyaw ang China na kanya raw, at hindi sa Pilipinas, ang EEZ kaya dapat lumayas sila.
Pero huwag mo, nagdadaos ang People’s Liberation Army-Navy ng sea exercises sa EEZs sa Mediterranean at Baltic Seas nang walang pahintulot ng mga bansa. Pati sa EEZs ng Australia, Guam, Hawaii, at Alaska ay nagdadaos ang PLAN ng naval drills nang walang pahintulot.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest