Ano ang almoranas? Ito’y mga ugat at laman na lumalabas sa puwit. May mga ugat sa loob ng puwit, at sa katagalang pag-iire, puwede itong lumabas, maipit at dumugo. Ang sintomas ng almoranas ay ang pagsakit at pagdurugo kapag dumudumi. Makakapa rin ang almoranas.
Mga sanhi ng almoranas:
1. Namamana ang almoranas sa ating magulang.
2. Ang pagtitibi at pag-iire ang pangunahing sanhi nito. Kumain ng maraming gulay at prutas para lumambot ang dumi.
3. Ang pag-ire sa panganganak ay nagpapa-almoranas din.
4. Ang pagkain ng mga maaanghang at spicy foods ay nakaiirita sa almoranas.
Solusyon sa almoranas at sugat sa puwit:
1. Palambutin ang dumi. Kumain ng mga prutas tulad ng papaya, pakwan at ubas na nagpapalambot ng dumi. Damihan ang pagkain ng gulay (mataas ang fiber ng mga ito) at bawasan ang karne. Uminom din ng 8-12 basong tubig. Huwag umasa sa gamot na pampadumi tulad ng bisacodyl tablets dahil lalo ka lang magtitibi pagkatapos ng epekto nito.
2. Huwag umire sa banyo. Ang pag-iire ang talagang nagpapalala ng almoranas. Huwag piliting makadumi kung ayaw pang lumabas ang dumi. Subukan muna na maglakad-lakad at mag-ehersisyo para bumilis ang galaw ng bituka.
3. Huwag magbasa ng diyaryo, magasin at komiks sa kubeta. Umupo lamang kapag malapit nang lumabas ang dumi.
4. Gumamit ng petroleum jelly. Kung matigas ang iyong dumi, puwede mong pahiran ng petroleum jelly ang loob ng puwit. Ayon kay Dr. Edmund Leff, isang colorectal surgeon, nagpapadulas ito sa paglabas ng dumi.
5. Gumamit ng basang tissue paper o tabo ng tubig pagkatapos dumumi. Huwag gumamit ng tuyong tissue dahil baka magasgas lang ang almoranas.
6. Maging malinis sa katawan. Hugasan maigi ang puwit para hindi maimpeksyon.
7. Huwag kamutin ang almoranas kahit ito’y makati. Baka masugatan mo lang ito.
8. Huwag magbuhat ng mabibigat na bagay. Ang stress ng pagbubuhat ay katumbas na ng pag-iire sa banyo. Magpatulong sa iba.
9. Huwag umupo o tumayo nang matagal. Nagdudulot din ito ng almoranas. Kailangan ay papalit-palit ang puwesto natin para hindi ma-pressure ang almoranas.
10. Magbawas ng timbang. Kapag mataba, tumataas din ang pressure sa baywang at binti. Dahil dito, puwedeng magkaroon ng almoranas at varicose veins.
11. Magbawas sa maaalat na pagkain. Ang sobrang alat o asin sa pagkain ay puwedeng magpamaga ng katawan. Pati ang almoranas ay mamamaga rin.
12. Umiwas sa maaanghang na pagkain. Mahapdi at makati ito kapag dumaan sa puwit. Mag-ingat din sa sobrang kape, beer at soft drinks.
13. Kung buntis, humiga sa kaliwa. Ayon kay Dr. Lewis Townsend, isang obstetrician, puwedeng maipit ng lumalaking matris ang ugat ng almoranas. Humiga sa iyong kaliwa ng 20 minutos bawat 5 oras. Makatutulong ito para hindi maipit ang almoranas.
14. Magbabad sa bathtub o malaking palanggana. Punuin ng mga isang dangkal na maligamgam na tubig ang bathtub. Umupo sa bathtub na nakataas ang iyong tuhod. Ayon kay Dr. Byron Gathright, isang colorectal surgeon, ang mainit na tubig ay nag-aalis ng sakit at nagpapaluwag ng daloy ng dugo sa almoranas. Dahil dito, liliit ang almoranas.
15. Puwedeng subukan ang ice pack. Kung mahapdi at makati ang almoranas, puwedeng lagyan ng ice pack. Kumuha ng isang plastic bag at lagyan ng yelo. Balutin ito ng tela para hindi masyadong malamig. Itapal ito ng hindi hihigit sa 20 minutos. Huwag din lalampas sa 3 beses sa maghapon itong gawin. Maaaring mabawasan ang kirot at laki ng almoranas.
16. Magpahid ng cream. May mga gamot para sa almoranas tulad ng Proctosedyl o Ultraproct ointment. Hindi mawawala ang almoranas pero mababawasan ang sakit nito.
17. Dahan-dahang itulak paloob ang almoranas. Ayon kay Dr. Townsend, kung hindi ganoong malaki ang almoranas, subukang ipasok ito ulit sa puwit. Ito’y para hindi maipit ang iyong almoranas.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor?
1. Kung biglang sumakit ang almoranas.
2. Kung may bagong bukol na makapa sa puwitan. Baka pigsa ito o kulugo.
3. Kapag hindi naghilom ang iyong sugat sa puwit.
4. Kung may pagdurugo sa dumi, huwag isiping dahil lamang sa almoranas. Magpakunsulta muna sa isang surgeon. May mga simpleng operasyon na para sa almoranas. Good luck po!