Kawawa naman ang mga magsasaka. Pagkatapos nilang gastusan at alagaan ang mga tanim na palay, mura lang maipagbebenta kapag naani na. Mas mahal pa ang face mask at face shield kaysa kilo ng palay. Sa kasalukuyan, naibebenta lang nila ng P12 hanggang P15 ang isang kilo ng palay. Mas mahal pa ang washable face mask na naibebenta ng 3 for P100. Sabi ng isang magsasaka, sana nagbenta na lang daw siya ng face mask at face shield para sigurado ang kita.
Anihan ngayon at umaasa ang mga magsasaka na makababawi sa kanilang mga nagastos pero masaklap ang nangyari sapagkat ang inaasahan nilang P17 hanggang P19 bawat kilo ng palay ay P12 lang pala mabebenta. Talo pa sila sa mga nagastos sa binhi, fertilizer, pesticides, bayad sa patubig at iba pa.
Ang himutok ng mga magsasaka, binibili sa kanila ng mura ang palay subalit ang bigas naman sa pamilihan ay mahal ang presyo na kadalasang P30 hanggang P40 ang kilo. Hindi umano parehas ang nangyayari. Mura kapag sila ay nagbebenta pero kapag bibili ng bigas ay ubod na ng mahal.
Nakakaalarma na ang ganitong pagbulusok ng presyo ng palay na para bang tinitikis ang mga magsasaka. Kung kailan panahon ng anihan na umaasa ang mga magsasaka na malaki ang kikitain ay saka naman bagsak ang presyo.
Maaaring ang pagbaba ng presyo ng palay ay may kaugnayan sa rice tarrification law kung saan malaya nang makapasok ang mga imported na bigas mula sa Thailand, Vietnam at China. Dumadagsa ang bigas mula sa mga nabanggit na bansa at dahil sobrang dami at nataon pa sa anihan, kaya mababa ang presyo ng palay.
Dapat suspendihin muna ang pagpasok ng imported na bigas sa panahon ng anihan para naman makinabang ang mga lokal na magsasaka. Huwag hayaang makiagaw ang imported sapagkat kawawa naman ang mga magsasaka na umaasa sa kanilang ani.
Sabi naman ni Agriculture Secretary William Dar kamakailan, ang National Food Authority (NFA) na ang direktang bibili ng palay sa mga magsasaka. Sasadyain na umano ng NFA sa kanayunan para bilhin ang mga aning palay. Ayon kay Dar, bibilhin ng NFA ang palay sa halagang P19 bawa kilo. Nanawagan din si Dar sa provincial government na sumama sa kanila para bilhin ang palay ng mga magsasaka.
Gawin ng NFA ang pagbili sa palay ng mga magsasaka para naman mabawi ng mga ito ang nagastos. Marami pang pangangailangan ang mga magsasaka lalo sa panahong ito ng pandemya. Ang pagsuporta ng DA sa mga magsasaka ay malaking bagay para lalong sumigla ang mga ito at makapag-produce pa ng palay na sasapat sa mamamayan.