KAAYA-AYANG pagmasdan ang Manila Bay makaraang tambakan ng puting buhangin. Para na ring nakarating sa Boracay ang magtutungo roon. Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), gumastos sila ng P389 million para sa beautification ng Manila Bay. Galing pa sa Cebu ang buhangin. Noong Sabado, binuksan sa publiko ang Manila Bay. Marami ang dumagsa. Marami ang napa-wow sa ganda ng tanawin. Para na rin daw silang nakarating sa Boracay. Sabik na sabik makayapak sa puting buhangin.
Habang marami ang nagkulumpunan sa magandang buhangin sa dalampasigan, nagsasagawa naman ng paglilinis ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa ‘di kalayuan. Pinupulot nila ang mga basurang inaanod na pawang mga plastic. Kung hindi pupulutin, tiyak na hahantong sa bagong tambak na puting buhangin ang mga basura. Masisira ang magandang tanawin kapag hindi inalagaan ng pagpulot sa mga inaanod na basura. Ang pinagkagastusan nang malaki para sa beautification ay masasayang lang dahil sa mga basura. Karaniwang plastic na grocery bags, sachet ng 3-in-1 coffee, shampoo, conditioner, toothpaste, at iba pang basura na hindi nabubulok ang lulutang-lutang sa Manila Bay.
Maraming probinsiya at siyudad ang nakapaligid sa Manila Bay – Maynila, Cavite, Parañaque, Navotas, Valenzuela, Bataan at iba pa. Posibleng galing sa mga nabanggit na lugar ang mga basura. Tiyak na pinakamarami ang basura mula sa Maynila. Karamihan sa mga nagtatapon ng basura ay mga nakatira sa pampang ng ilog at estero.
Ang kawalan ng disiplina ng mamamayan sa pagtatapon ng basura ang nararapat pagtuunan ni DENR Sec. Roy Cimatu. Masasayang lamang ang pagpapaganda sa Manila Bay kung patuloy ang paglutang ng basura rito.
Malinaw pa sa aming isipan ang binitawang salita ni Cimatu noong nakaraang taon sa mga sumisira sa kapaligiran at walang disiplina sa pagtatapon ng basura. Nagsalita siya sa isang forum at nagbabala na tapos na umano ang araw ng mga gumagawa ng krimen sa Inang Kalikasan. Tutuldukan na raw niya ang pag-abuso sa kalikasan. Mahigpit niyang ipatutupad ang environmental laws at mga ordinansa.
Pero nakalulungkot na hanggang ngayon, wala pa ring nakitang pagbabago at dumami ang mga nagsasalaula sa kapaligiran. Patuloy pa rin ang pagtatapon ng basura at humahantong sa Manila Bay. Malaking hamon kay Cimatu ang mga lulutang-lutang na basura sa lawa.