RevGov sasabog lang sa mukha nila

HUWAG maglaro ng apoy at baka madarang ka, kasabihan­ sa Tagalog.

Nagsusulong na naman ang Duterte diehards ng “revo­lutionary government”. Nais nilang suspendihin ang kasa­­lu­kuyang 1987 Constitution. Sa ilalim ng “revolutionary constitution” pinamumuno nila si President Rody Duterte. Sa gan’ung paraan daw matutupad niya sa huling dala­wang taon ng termino ang mga repormang ipinangako nung kampanyang 2016: pederalismo, parliamento, kaunlaran.

Duda ang mga eksperto sa totoong pakay nila. Hidden­ agenda ay palawigin sa puwesto ang mga pulitiko, ani Fr. Ranhillo Aquino, dean ng San Beda University graduate­ school of law. Lalala lang ang political dynasties. Nais lang ng Duterte diehards ilihis ang isyu mula sa kapabayaan na nagpalala sa pandemya at krisis pangkabuhayan, dagdag ni Integrated Bar of the Philippines president Domingo Cayosa. Pero hindi maitutuwid ng pagkakamali ang isang pagkakamali. Mababaw na palusot ang RevGov para tumupad sa campaign promises, ani election lawyer Romulo Macalintal. Sasabog ito sa mukha nina Duterte et al.

Kapag tumalima si Duterte sa “revolutionary constitution” ng RevGov, kuwenta binibitawan niya ang 1987 Constitution kung saan siya nahalal. Maituturing siyang nag-resign bilang Presidente. Kung gan’un agad hahalili sa kanya si Vice President Leni Robredo. At dahil kontra ang RevGov sa kaayusan, maari niyang tawagan ang Armed Forces at National Police na supilin ang RevGov at ipiit ang mga may-pakana.

Hindi sila sasama sa RevGov, ani Defense Sec. Delfin Lorenzana. Sa 1987 Constitution at legal na awtoridad lang susunod ang pulisya, ani spokesman Gen. Bernard Banac. Ayaw ng mga heneral ang giyera sibil, ani constitutionalist Christian Monsod. Isakdal sila ng sedition, ani Cong. Ruffy Biazon. Magkaisa imbis na hati-hati, ani Sen. Sherwin Gatchalian.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments