Para maisakay ang mga stranded na pasahero, naisip ng Department of Transportation (DOTr) na i-reduce ang physical distancing sa public utility vehicles (PUVs). Kawawa naman daw ang mga pasaherong papasok sa trabaho pero hindi makasakay dahil limitado ang laman ng bus, jeepney at maski MRT at LRT. Binawasan nila ang 1-metrong distansiya para makapagsakay ng pito hanggang walong pasahero.
Pero binatikos ang polisiya ng DOTr. Posibleng dumami ang kaso ng COVID sa ganitong polisiya. Mas mainam ang 1-metrong distansiya para walang hawahan. Binawi ng DOTr ang kanilang plano. Ipinag-utos naman ni President Duterte na ipagpatuloy ang nakasanayang 1-metrong agwat ng pasahero. Winakasan na ang kontrobersiyal na polisiya.
Namumroblema ang DOTr na marami ang hindi makasakay na pasahero. Napakasimpleng problema ito. Bakit hindi dagdagan ang jeepney at bus? Sa halip na bawasan ang physical distancing, dagdagan ang PUVs.
Marami pang jeepney ang hindi nakakapasada sapagkat inalis na ang ruta. Anim na buwan nang hindi nakakapasada ang mga jeepney at marami na sa mga drayber at pamilya ng mga ito ang nagugutom. Karaniwan nang makikita ang pamamalimos ng mga jeepney drivers sa maraming lugar sa Metro Manila. Ilan sa mga drayber ang dumaranas na ng depression sapagkat hindi nila malaman kung saan kukuha ng kakainin para sa kanilang pamilya. Marami sa mga drayber ang nalubog na sa “5-6”. Marami rin sa kanila ang hindi nakatanggap ng ayuda mula sa social amelioration program (SAP)
Ayon sa report, 38,000 draybers ang nawalan ng hanapbuhay mula nang bawalan silang makapasada. Marami sa ruta ng mga jeepney ang nilagyan na ng bus. Pawang maiikling ruta ang ibinigay sa mga jeepney na hindi rin makasapat sa mga pasaherong papasok sa trabaho.
Payagan nang makapasada ang mga jeepney para mabawasan ang kalbaryo sa pagsakay ng mga manggagawa at empleyado at matulungan din naman ang mga drayber na kumita para sa kanilang pamilya. Hindi naman sila napagkakalooban ng ayudang SAP kaya nararapat na payagan na silang makapasada.
Ipagpaliban na muna ng pamahalaan ang jeepney modernization. Kapag nalampasan na ang pandemic crisis saka na ito ituloy. Payagan nang makapasada ang mga jeepney para may kitain ang mga drayber at nang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Kaysa magpalimos ang mga drayber sa kalsada, buksan ang ruta ng mga jeepney at hayaang makapasada.