Nu’ng Setyembre 21, 1972 nagdeklara si President Ferdinand Marcos ng “Bagong Lipunan”. Abusado raw ang umiiral na sistema. Inaagrabyado ng oligarkiya ang maralitang masa. Ipit ang reporma sa banggaan ng Ehekutibo at Kongreso, at ng administrasyon at oposisyon. At labis na raw ang katiwalian at krimen.
Ipinataw niya ang batas militar dahil balak umano ng mga rebeldeng komunista na sunugin ang Maynila. Ipinakulong lahat ng mga kritiko sa pulitika, akademya, at simbahan. Ipinasara lahat ng media. Inagaw ang mga malalaking negosyo.
Nu’ng una natahimik ang mga komunidad dahil sa sindak. Dinampot kasi ng pulisya lahat ng may-tatak Oxo, Sigue-Sigue, Batang City Jail – mga labas-pasok sa preso.
Palamuti lang pala ang lahat. Kinalaunan lumitaw ang mga totoong pakana ni Marcos sa “Bagong Lipunan” sa pamamagitan ng batas militar.
Nagtatag siya ng iisang partido, Kilusang Bagong Lipunan, mga katoto sa pulitika. Sila ang naghari sa mga probinsiya, lungsod at munisipalidad. Ang mga inagaw na negosyo at media ay ibinalato sa kamag-anak at kalaro sa golf. Sila ang naging oligarkiya: pinapautang ng mga banko ng gobyerno sa atas ni Marcos; pinapartehan siya ng kickback; at kapag nagatasan at bagsak na ang kompanya, mamamayan ang nagbabayad ng utang.
Direktang kumomisyon din sina Marcos at first lady Imelda Romualdez sa mga proyekto ng gobyerno. Dahil karamihan doon ay pinondohan ng utang panlabas, mamamayan din ang nagbayad ng nakaw na pera. Dinambong ng mag-asawa ang yaman ng bayan.
Sa huli, nabisto na ang “Bagong Lipunan” pala ay pagkabulok lang ng lumang kalakaran. Lumala ang abuso, katiwalian, at karalitaan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).