DAPAT lang na maghinay-hinay si DOTr secretary Art Tugade sa pagpapatupad ng kabawasang distansiya sa mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan. Kasi nga sa ngayon na unti-unti nang bumababa ang mga tinatamaan ng COVID-19 hindi pa napapanahon para bawasan ang distansiya ng mga pasahero para lamang maibsan ang mga stranded sa kalye.
Kasi nga kung uriratin natin ang nangyaring hawahan ng COVID-19 sa bansa ay napabilis at naparami nito ang mga tinamaan ng sakit na nakakamatay dahil nga sa pagdidikit-dikit ng mga tao sa mga sasakyan at pampublikong lugar.
Noong kasagsagan ng COVID-19 ay halos lahat ng pagdidikit ay pinagbawal kahit na mag-asawa pa ang magkaangkas sa motorsiklo, subalit ngayon na unti-unti ng bumaba ang bilang ng mga nahawahan aba’y, mukhang nagmamadali yata si Sec. Tugade na mapagkasya ang mga pasaherong stranded sa kalye dahil din sa kakulangan ng nagbibiyaheng pampublikong sasakyan. Hindi kaya pa-pogi points lamang itong programa ni Tugade mga suki?
Tama naman na dapat ng alpasan ang mga kababayan nating kumakalam na ang sikmura na makapaghanapbuhay subalit kung ang World Health Organization (WHO) ang tatanungin, hindi pa napapanahon dahil marami pa ang pasibilidad na muling lolobo ang bilang ng mga nahawahan kapag nabawasan ang physical distancing sa mga pampublikong sasakyan at establisimento.
Sa panukala kasi ni Tugade, puwede nang bawasan ang isang metro distansya sa .75metro sa unang bugso na susundan ito ng .50m hanggang sa .3m na lang sa bawat sasakyan. Malinaw na abot siko na ang distansiya ng bawat pasahero sa mga pampublikong sasakyan katulad ng bus, jeep, UV Express, LTR at MRT. ‘Di ba mga suki?
Ang masakit nito kapag lumala at dumami na naman ang mahahawahan ng COVID-19, muli na naman kayang ipabalik ni Tugade sa enhanced community quarantine ang buong bansa dahil palpak ang kanyang ideya? Hehehe! Sa mayayaman walang problema sa pambayad sa ospital kapag tinamaan ng COVID-19. Papaano ang mahihirap na P700,000 pataas ang magagastos. At oras na malasin tiyak na sa cremation ang hantungan. Ang masaklap nito kulang na sa pondo ang administrasyon ni President Rodrigo Duterte para tustusan ang mga nagugutom nating kababayan na maila-lockdown dahil hindi naman kaila sa atin na oras na tumaas ang bilang ng mga nahahawahan ng COVID-19 ay inilalagay agad ito sa hard lockdown. Kulang na rin ang pondo ng gobyerno dahil sa pangungurakot ng mga opisyales ng PhilHealth.
Ang masakit nito, maghihintay pa tayo ng ilang taon bago mahalukay ang mga datung na ninakaw ng mga ito dahil sa mabagal na paggulong ng kaso sa korte. Di ba mga suki? Kung si DOH Secretary Francisco Duque nga ay nakaligtas na masampahan ng kaso dahil wala umano siyang derektang kaalaman sa pagkaubos ng pondo ng PhilHealth. Hehehe!
Kaya mga suki, mag-ingat! Ang minimum wage na 539 pesos na kikitain n’yo sa pagpasok sa trabaho ay kulang pa ng pambili ng pagkain at upa sa bahay, bayad sa koryente at tubig at isama na rin diyan ang pambili ng sabon at alcohol, face shield at face mask.
Papasaan ba’t darating din naman tayo na maging normal na ang ating bansa kung bawat isa sa atin ay maging maingat at sumunod lamang sa health protocol ng Inter-Agency Task Force, at siguradong malaking pogi points ang pinapangarap ni Tugade para sa sambayanan.
Mga suki, abangan natin ang magiging kasagutan dito ni President Duterte sa darating na Lunes, kung papayagan na nga ba ang panukala ng kanyang magaling na kalihim na si Tugade. Abangan!