EDITORYAL - PPEs na gawang Pinas ang tangkilikin

Tangkilikin ang sarili at gawang atin. Iyan ang laging sinasabi ng pamahalaan. Pero kung ang pag-uusapan ay ang personal protective equipment­ (PPE) na mahalagang gamit ngayon ng health frontliners, taliwas ito sa sinasabi sapagkat ang tinatangkilik ng pamahalaan ay gawang China.

Maraming kompanya sa Pilipinas na gumagawa ng PPE pero ang kinukontrata ay mga kompanya sa China. Bakit kailangan pang lumayo e narito lamang sa bansa ang mga mahuhusay na gumagawa ng PPE. Sa kasalukuyan, maraming kompanya sa China ang nakakontrata sa Pilipinas para gumawa ng PPE. Ayon sa report, pitong Chinese companies ang nakakontrata para magsuplay ng PPE pero naka­panlulumong malaman na overpriced ang mga ito.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, ang per unit ng PPE ay overpriced ng P200 kaya sa kabuuan, P1 bilyon ang lugi ng pamahalaan. Ayon sa senadora, ang halaga ng PPE, batay sa estimate ng Philippine­ General Hospital ay nagkakahalaga ng P1,200 hang­gang P1,500 subalit sa ginawang procurement ng Department of Budget ay nagkakahalaga ito ng P1,700 hanggang P2,000. “Isang bilyon ang nawala sa kaban ng bayan,” sabi ni Honteveros. Ang isang bilyong piso ayon sa kanya ay maraming mabibi­ling PPEs para sa mga health workers. Marami sa health workers ang nasa panganib ang buhay dahil salat sila sa proteksiyon laban sa virus. Ang isang bilyon umano ay maaaring i-allocate para madag­dagan ang sahod ng mga health workers.

Maraming lokal na kompanya ang gumagawa ng PPE pero una pang kinontrata ang mga sumusunod na Chinese companies: Xuzhou Const. Machinery Group, Wen Hua Dev’t Industrial Co., Ltd., Chushen Company Ltd., Pacific Field (Hong Kong) Ltd., at Shanghai Puheng Medical Equipment Co. Ltd.

Sinabi kamakailan ng Department of Health na kapag nalagdaan ni President Duterte ang Bayanihan Act 2, magiging prayoridad ang mga local companies para gumawa ng PPEs. Bakit ang mga Chinese companies pa rin na ubod ng mahal ang gumagawa at umano’y walang kalidad ang produkto. May mga health workers na nagsasabi na madaling masira ang supply nilang PPE na made in China.

Kung ang mga kompanyang Pilipino ang kinontrata para sa PPE, maraming magkakaroon ng trabaho. Maraming nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Kung dito na gagawin ang PPE, hindi na kailangang ikarga pa sa eroplano at barko at tiyak­ na may kalidad at mura pa ang halaga.

Show comments