Bakit dapat physical distancing
Payo ng World Health Organization isang metro (higit tatlong piye) na physical distancing para iwas-hawa sa COVID-19. Mas agwat ang nais ng iba. Sa Germany magkalayo dapat nang 1.5 metro. Sa America, ayaw sa metric system, anim na piye (1.8 metro). Sa Britain ang alituntuning 2 metro ay binabatikos na overacting. Sa Denmark kinalahati ang dating takdang 2 metro. Bakit iba-iba sila? Ligtas ba talaga ang 2 kaysa 1 metro? (Ayoko sa terminong “social” distancing: kontra sa ugaling makisama.)
Tulad ng anomang payong medikal, ang physical distancing ay mainam ituring na giya kaysa batas. Halimbawa, payo sa Europe kumain ng limang subong gulay at prutas kada araw. Hindi literal ‘yon; ibig lang sabihin mas mabuting maraming gulay at prutas kaysa karne at keso. Gay’un din, hindi kailangan maging doktor para mabatid na kung mas malayo ka, mas malamang hindi mahawa sa maysakit. Mula pa dekada-1930 ang payong 1 metro ng WHO. Kapag nagkasakit -- o mas malala, umubo -- ang may C-19, nagbubuga siya ng maliliit na droplets na puno ng coronavirus, na maari masinghot ng kausap o dumadaan.
Hindi lang distansiya ang pambawas sa tsansang magka-C-19. Siyempre dapat umiwas sa positibong impektado; kung tiyak na walang sakit, puwede maglapitan. Nariyan din ang pisikal na harang: facemask, kurtinang plastic, at plexi-glass. Mas ligtas din sa bukas kaysa kulob, labas kaysa loob na pook. At mas magkakahawaan kung direktang magkaharap ang nag-uusap, kaysa magkatabi, lihis, o talikuran.
Napapagod na ang mga tao sa mga alituntunin ng gobyerno -- lalo na’t malimit masaksihang lumalabag ang opisyales. Pero mabuti pa rin na masanay lahat na mag-ingat. Matagal pang magkaroon ng gamot o bakuna kontra C-19, o dumating ito sa bansa. Kaya iwas magtagal sa kuwarto, dikit-dikit, at nagsisigawan, kantahan, at bugahan. Buti sana kung malumanay lang ang tama ng C-19; kung kritikal -- patay na!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest