EDITORYAL – Ipagpatuloy ang pag-iingat
Napa-flattened na umano ang curve ng coronavirus, ayon sa University of the Philippines (UP) OCTA Research team. Ang dating reproductive number na 1 ay naging 0.877. Nagpapakita umano ng improving ang sitwasyon.
Ang inihayag ng UP ay ikinatuwa ng Department of Health (DOH). Sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, base sa indicators, ang transmission rate, mortality at critical care capacity ay kinakikitaan na ng pagbabago. Nasa tamang direksiyon aniya ang paglaban sa coronavirus.
Pero sinabi ng DOH na hindi pa dapat maging kampante ang lahat sapagkat hindi ibig sabihin na bumaba na ang numero ay tapos na ang health crisis. Hindi pa tapos ang pakikipaglaban at dapat ipagpatuloy ang ipinatutupad na health protocols. Hindi dapat balewalain ang pag-iingat sapagkat narito pa ang virus at patuloy pa rin ang transmission.
Nagpahayag din naman ng kasiyahan ang National Task Force Against COVID-19 sa findings ng UP researchers. Ayon kay Task Force head Carlito Galvez Jr., nagbubunga na ang mga hakbang na inilatag laban sa pandemic. Ganunman, nanawagan siya sa mamamayan na ipagpatuloy ang nakasanayan nang health standards. Huwag daw itong kalilimutan para tuluyang malabanan ang pagkalat ng virus. Hangga’t wala umanong bakuna laban sa sakit, hindi dapat maging kampante at balewalain ang mga ipinag-uutos para maiwasan ang pananalasa ng virus. Pag-iingat pa rin ang nararapat.
Hindi pa natatalo ang kalaban kaya ipagpatuloy ang nakasanayan nang pagsusuot ng face mask, face shields, magkaroon ng agwat sa bawat isa, maghugas lagi ng kamay, magdala lagi ng alcohol o sanitizer. Ugaliin din naman ang tamang pagtatapon ng used face masks. Ilagay sa selyadong basurahan.
Ang pananatili sa bahay ang dapat pa ring pairalin. Huwag lumabuy-laboy at lumabas lamang kung talagang kailangang-kailangan gaya kung bibili ng pagkain, gamot at iba pang mahalagang kailangan. Delikado pa rin ang sitwasyon lalo’t nasa clinical trial pa lamang ang bakuna laban sa virus. Sumunod sapagkat para ito sa kaligtasan ng lahat.
- Latest