ANG pamahalaan ni President Cory Aquino na nagsimula noong 1986 hanggang 1992 ay isang revolutionary government dahil nagkaroon muna ng mapayapang rebolusyon para patalsikin ang pamahalaan ni Ferdinand Marcos.
Ngayon, may mga nagsusulong na naman ng revolutionary government sa kampo ni Presidente Duterte na napakahirap bigyan ng katuwiran. Marahil kung mga kalaban ng administrasyong Duterte ang gagawa nito, makatuwirang tawaging revolutionary government ang mabubuong pamahalaan kung sila ay magtatagumpay.
Sa Revolutionary Government na isinusulong ng mga alipores ng administrasyon, kakatwa na ang nakikita kong scenario ay: patatalsikin si President Duterte para magtayo ng bagong pamahalaan na siya rin ang mangunguna. Self-coup d’etat kumbaga. Aba, first in history ng daigdig ito.
Sa totoo lang, hindi ang Pangulo ang tangkang gibain dito kundi ang Konstitusyon mismo pati na ang umiiral na rule of law sa bansa. Makatuwiran lang na magkaisa ang taumbayan sa pagkondena sa ano mang tangkang lapastanganin ang Saligang batas ng bansa kasama na ang mga taong pasimuno sa pagsusulong nito.
Pati ang Philippine Bar Association ay nakikiisa sa bawat sektor na tumututol nang mahigpit sa ganitong panukala na wala sa hulog. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang kasalukuyang krisis sa COVID 19, kung ang-anong tangkang pagkitil sa demokrasya ang isinusulong.
Kahit ang Pangulo mismo ay sinabing wala siyang kinalaman sa isinusulong na RevGov at hindi niya kilala ang mga taong pasimuno nito. Ha? Hindi niya kakilala ang isa sa mga taong nagpagod para siya ay mahalal na Pangulo na si Usec. Martin Dino ng DILG? Hampasabol!