EDITORYAL - Durugin pati kaluluwa!

Maliit lang na grupo ang Abu Sayyaf noong huling bahagi ng 1990s na pinamumunuan ni Abdu­rajak Abubakar Janjalani. Pero dumami ang miyembro nang magkamal ng pera mula sa kidnap-for-ransom. Nakabili sila ng mga armas. Nang mapatay si Janjalani noong 1988 at pinalitan ng kapatid na si Khadaffy Janjalani, lalo pang naging agresibo sa pangingidnap. Pawang mga dayuhan ang kinikidnap nila at pinatutubos nang malaking halaga. Bilyong piso ang kinita sa Dos Palmas kidnapping. Nakapag-recruit pa ng mga tauhan na karamihan ay mga kamag-anak.

Ang problema noon ay problema hanggang nga­yon at lumubha pa. Marami na silang pinatay na ang ilan ay pinugutan pa nila ng ulo kapag hindi nakapagbigay ng ransom gaya ng American na si Guil­lermo Sobero. Luminya na rin sila sa pambobomba. Sila ang nasa likod ng Rizal Day bombing noong Disyembre 2000. Sila rin ang nagsagawa ng Valentine’s bombing sa isang bus sa EDSA. Nakipag-al­yansa sila sa Islamic State (IS) at naghasik ng lagim sa Marawi City noong 2017.

Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng magka­sunod na pambobomba sa Jolo, Sulu ang Abu Sayyaf na ikinamatay ng 15 katao na pawang mga sundalo at 75 ang sugatan. Naganap ang unang pam­­bobomba sa Bgy. Walled City kung saan naka­parada ang dalawang army truck. Makalipas ang isang oras, isang bomba pa ang sumabog, 100 metro ang layo sa lugar nang unang pagsabog. Tatlo ang suspek – sina Mundi Sawadjaan, Andi Basco at Reski­ Fantasya. Si Sawadjaan ay sub-leader ng Abu Say­yaf samantalang sina Basco at Fantasya ay Indonesian suicide bombers at supporters ng Islamic State. May reward na P3 milyon sa makapagtuturo sa tatlong terorista.

Dumalaw si President Duterte sa Jolo noong Linggo at umapela siya sa mga sundalo na ipagpa­tuloy ang paglaban sa mga terorista hanggang ma­ubos na ang mga ito. Sinabi niyang ang pambobomba­ ay lalo lamang nagpapaigting sa gobyerno para du­rugin ang mga duwag na nambomba. Lumaban aniya nang puspusan hanggang magkaubusan na.

Hanapin na ang mga teroristang Sayyaf at pulbusin pati ang kanilang kaluluwa!

Show comments