Likas sa ating mga Pilipino ang mahilig sa kasayahan. Dito lang marahil sa ating bansa makakakita ng mga kalalakihang nag-iinuman sa kanto o kaya’y mga babaeng naghihingutuhan at nagtsitsismisan lalo na sa mga informal settlers areas.
Sa nakatataas na sektor ng lipunan, ang mga young executives, pagkatapos ng isang araw na trabaho ay magtitipon na sa mga gimikan at nag-iinuman at kung umuwi ay dis-oras na ng gabi. Ang mga nakatatanda naman, lalo na sa mga kababaihang biyuda o kahit may-asawa ay ballroom dancing ang libangan.
Walang masamang maglibang dahil kailangan ng ating katawan ang tinatawag na unwinding para tumipon ng bagong lakas na gagamitin sa pagtatrabaho sa mga susunod na araw. Dangan nga lamang, kung minsan ay nagiging dahilan ito ng mga kaso ng pagtataksil sa asawa. Suma-total, broken families ang ibinubunga. Ang mga anak ay napapabayaan kaya nalululong sa masamang barkada at bisyo.
Naiisip ko lang, marahil ang pandemic na ito ay pinahintulutan ng Diyos para mabago ang ating nakagawiang kultura. Dahil sa paglilimita sa galaw ng tao para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, lahat ng mga libangang ating naunang binanggit ay nawala dahil sa umiiral na quarantine.
Sa pinakahulng direktba ni Presidente Duterte batay sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force, magpapatuloy pa rin ang General Community Quarantine. Tuloy ang takbo ng negosyo ngunit limitado pa rin ang galaw ng mga tao at obligadong obserbahan ang social distancing at pagsusuot ng mga health safety gears. Ang “new normal” na ito ay pihong magtatagal bago makabalik sa dating normal na ginagawa natin.
Mabuti ito kung pagkakatuusin. Lalu tayong naging madasalin at malapit sa Diyos habang nailayo tayo sa mga pagkakataong malapit tayo sa paggawa ng kasalanan.