Mga bagong bayani ang health frontliners

Kahapon ginunita ang Araw ng mga Bayani sa buong bansa naging tampok sa lahat ng programa ng mga local government units ang pagbibigay parangal sa medical frontliners. Malaki ang naging ambag ng mga doctors, nurses, medical staff at iba pa para sagipin ang buhay ng mga Pinoy na tinamaan ng COVID-19.

Kabilang din sa frontliners ang mga pulis at sundalo. Halos walang oras silang naka-deployed sa lansangan para proteksiyunan ang sambayanan. Kaya pinupuri ko sina Philippine National Police Deputy Director for Operation Lt. Gen. Guillermo Eleazar at National Capital Region Police Office chief MGen. Debold Sinas sa sakripisyong ipinamalas nila sa sambayanan.

Halos hindi na sila natutulog upang masiguro na naipatutupad ang health protocol ng IATF. Ang masama lang dito, mukhang sila pa ang pinupuntirya ng ilang ambisyosong PNP officials na naghahangad sa puwesto ni PNP chief Gen. Archie Gamboa na magreretiro ngayong buwan. Magagaling lang magbulong kay Pres. Rodrigo Duterte subalit kulang naman sa gawa. Di ba mga suki? Huwag kayong kukurap kung sino ang manok ni Digong.

Karapat-dapat talagang bigyan ng pagpapahalaga ang serbisyo ng ating medical team sa lahat ng dako ng bansa. Sila ang mga bagong bayani ng bansa sa panahon ng pandemya. May mga doctor, nurses at medical staff ang nanawagan ng “time out” dahil pagod na sila sa pag-asikaso sa mga tinamaan ng sakit. Kaya panawagan nila sa sambayanan na sumunod sa health protocol upang maiwasan ang hawahan. Kaya mga suki, palaging magsuot ng face mask, face shield at pairalin ang social distancing para makaiwas sa sakit.

Sa hanay naman ng mga pulitiko sa Capiz, kapuna-punang naglalabasan ang mga kulay ng ilan matapos magbanggaan ng prinsipyo. Lahat naman ng mga iniluklok natin sa pagka-governor at mayors ay laang magbuhos ng kanilang kakayahan upang mapaglingkuran ang kanilang mga constituent subalit kung mapupunta sa bangayan at kulay pulitika, hindi na makabubuti ito sa sambayanan.

Sa ngayon kasi magkakaiba na ang mga opinion ng gobernador at mga mayor ng Capiz  hinggil sa pagtanggap ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at local stranded individuals (LSIs) na pinauuwi sa kani-kanilang mga bayan sa Capiz.

Si Roxas City mayor Ronnie Dadivas ay humihingi muna ng 14 days na “time out’’ dahil puno na ang Roxas Memorial Hospital sa mga pasyenteng may COVID. Sa kasalukuyan may apat na doctors at nurses na ang naka-quarantine matapos mahawahan ng virus. Kaya ang panawagan ni Dadivas sa Western Visayas Anti-Agency Task Force- COVID-19 Implementors na ipatigiL muna ang pagpapauwi sa OFWs at LSIs upang makapaghanda pa sila nang maraming isolation facilities.

Sa panig naman ni Capiz Governor Estevan “Nonoy” Contreras nararapat din naman na tanggapin ang OFWs at LSIs dahil naghihirap ang kalagayan ng mga ito sa Metro Manila. Ang kailangan lamang ay sumunod sila sa health protocol katulad ng resulta ng swab test bago sila pauwiin.

Ang mga darating na OFWs at LSIs ay susunduin ng mga  provincial medical team at isasakay sa ambulansiya na magdadala sa kanila sa quarantine facilities. Kaya wala munang kaanak na makakahalubilo ang mga ito upang maiwasan ang physical contact. Kaya may panawagan ako kina Contreras at Dadivas na pag-usapan na lang ninyo nang maayos ang gusot upang ang kaayusan at kaligtasan ng Capiz ay masiguro. Get n’yo mga Sir!

Show comments