Inapela ang desisyon sa Court of Appeals. Binaliktad ang RTC at dineklara na kulang ang ebidensiya para sabihin na psychologically incapacitated si Regina. Kinuwestiyon ito ni Andy at ginamit na basehan ang mismong desisyon ng simbahang Katolika. Tama ba ang CA na baliktarin ang hatol?
MALI ang CA ayon sa Supreme Court. Ang ebidensiya sa kaso ng pagpapawalang-bisa ng kasal ay iba-iba depende sa kaso at sa mga nakalap na detalye. Ang opinyon ng mga eksperto ng Canon Law tungkol sa interpretasyon ng psychological incapacity ay dapat bigyan ng importansiya lalo at sa kanila nagmula ang konseptong ito.
Katunayan, ang Art. 36 ng Family Code ay inilabas na solusyon ng gobyerno para sa mga kasal na ipinawalang-bisa ng Simbahang Katolika pero itinuturing pa rin na legal sa ilalim ng ating batas.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga interpretasyon ng Simbahang Katolika ay pinapahalagahan ng ating korte. Idagdag pa, ayon sa SC, ang konklusyon ng mababang hukuman tungkol sa kredibilidad ng mga testigo ay dapat na igalang ng CA dahil sila ang nagkaroon ng pagkakataon na pag-aralan ang kilos at akusasyon ng mga testigo.
Sa kasong ito, napatunayan ni Andy ang psychological incapacity ni Regina. Bukod sa kanyang testimonya sa palaging pagsisinungaling ni Regina ay dalawang eksperto pa sa larangan ng psychology ang tumestigo tungkol sa kakaibang pag-uugali at kilos ni Regina na sapat para ikunsidera na mayroon siyang taglay na psychological incapacity nang magpakasal.
Hindi niya kayang ihiwalay ang pantasya sa realidad kaya lalong malabong maintindihan niya ang responsibilidad na kaakibat ng ginawa niyang pagpapakasal. Nararapat lang na hindi bigyan ng halaga ang ginawa niyang panunumpa sa kasal. Ang kasal ay hindi lang pagbibigay ng legalidad sa kagustuhan ng dalawang tao na nagmamahalan para magsama na sa buhay (Antonio vs. Reyes, G.R. 155800, March 10, 2006).