SA tabing dagat, pinanonood ng negosyante ang bangka ng mangingisda pabalik sa pampang. May ilang tulingan ang mangingisda na tinanong ng bisita kung gaano katagal hinuli. “Sandali lang,” anang una. “Bakit di ka mangisda pa?” usisa ng bisita. “Tama na ito sa pamilya ko. Gan’un kami dito. Tanghali na kung gumising, mangisda nang konti, magsiyesta, tapos tugtugan ng gitara at inuman ng barkada.”
“Sayang ang oras,” pangaral ng negosyante. “Nagtapos ako sa business school. Tuturuan kita. Dapat mas matagal ka mangisda, at sa dagdag-kita ay bumili ng malaking lantsa. Sa paglago ng kita, bili ka pa nang maraming lantsa. Imbis na magbenta sa middleman, magtayo ka ng pabrika para i-delata ang isda. Sa laki ng negosyo, lumipat ka sa lungsod para doon ito patakbuhin. Tapos ibenta mo ito nang daan-milyong piso.”
Gaano raw katagal makakamit ‘yon? “Mga 20 o 25 taon”. At ano raw ang gagawin niya sa pera? Anang negosyante: “Simple, bumili ka ng bahay sa tabing dagat, matulog hanggang tanghali, mangisda nang konti, magsiyesta, tapos makitugtugan ng gitara at inuman sa barkada.”
* * *
Umangal ang magsasaka na nawala ang baka niya sa tabi ng riles. Hinihingi niyang mabayaran ng tamang halaga para wala nang asunto. Nagtakda ng pagdinig ang korte, at pina-dala ng railway ang big-shot na abogado. Bago ang pagdinig, kinorner ng abogado ang magsasaka para aregluhin na lang ang kaso. Kinulit niya nang kinulit ang magsasaka hanggang mapapayag sa kabayarang kalahati lang ng unang sinisingil. Matapos magpirmahan ng kasunduan at magbayaran, hindi mapigilan ng abogado ang sarili na magyabang, “Alam mo, naisahan kita. Sa totoo lang walang laban ang railway sa kasong ito. Nu’ng araw na nawala ang baka mo at dumaan ang tren, naglalasingan ang engineer at security officer, at wala akong maipepresentang testigo laban sa iyo.”
“Hindi bale,” anang magsasaka. “Kabado rin ako kanina bago ang pagdinig. Kasi kaninang umaga di ko inaasahang umuwi ang baka ko.”